243 total views
Higit pa sa salapi ang buhay ng tao.
Ito ang binigyang diin ni Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) sa pagdiriwang ng International Day of Awareness and Prayer against Human Trafficking.
Ayon sa Obispo, dapat pahalagahan at igalang ang dignidad ng bawat buhay ng tao dahil ito ang pinakamahalagang kaloob ng Panginoon sa sanlibutan.
“Children are not for sale. People are more than profits. Children are not commodity. They are human persons. Children are precious very special, and so important. They are for us God’s gift,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos.
Giit pa ng Obispo, ang tao ay hindi bagay na ginagamit bilang pang-aliw at kalakal sa halip ay banal na dapat pangalagaan at pahalagahan.
“People are not objects, nor tools for pleasure. Life is sacred, should always be spared and saved. We don’t sacrifice life rather we do sacrifices for life,” dagdag pa ni Bishop Santos.
Hinimok din ng Obispo ang mananampalataya na magkaisa sa pananalangin at paggawa ng mga hakbang na makatutulong labanan ang mga pang-aabuso sa lipunan lalu sa mga kabataan sa halip ay magkaisang isulong ang karapatan ng bawat mamamayan.
URI NG MGA TAONG NANG-AABUSO SA MAKABAGONG PANAHON
Inihalintulad ng Obispo kay Herodes at Herodias, mga karakter sa bibliya ang mga taong nang-aabuso sa kapwa sa makabagong panahon.
Tulad Herodes, ginagamit ng ilang indibidwal ang kapangyarihan at posisyon sa lipunan sa pang-aabuso sa mamamayan tulad ng pagpapalaganap ng mga maling impormasyon sa halip na ipalaganap ang katotohanan at pagpapanatili sa kapangyarihan kung naisasakripisyo ang moralidad ng tao dahil sa ilang mga polisiyang ipinatutupad.
Nilinaw ni Bishop Santos na ang kapangyarihan sa pamumuno sa lipunan ay ibinigay upang paglingkuran, itaguyod ang dignidad at karapatan ng nasasakupang mamamayan, at protektahan ito mula sa karahasan at pagkasira ng pamayanan.
“Authority is given to us for the service of our people. To protect them from death and destructions, to preserve and promote their rights and dignity,” pahayag ni Bishop Santos.
Ang mga tulad naman ni Herodias ang mga magulang at mga nakatatandang patuloy gumagawa ng mga labag sa batas at imoralidad na pilit itinuturo sa mga kabataan tulad ng paggamit sa mga menor de edad sa kahalayan, kalakalan sa ipinagbabawal na gamot at iba pang gawaing labag sa batas ng lipunan at kautusan ng Panginoon.
Ikinalungkot ni Bishop Santos ang pamamayani ng kasamaan sa lipunan bunsod ng ilang mga gawain ng nasa kapangyarihan at ilang mga magulang na naglalagay sa kapahamakan ng kanilang mga nasasakupan.
SAINT JOSEPHINE BAKHITA
Sa pagdiriwang ng World Day of Prayer and Awareness against Human Trafficking kasabay ng kapistahan ni Saint Josephine Bakhita, ipinanalangin ng Kaniyang Kabanalan Francisco ang malugod na pagtanggap ng lipunan sa mga biktima ng human trafficking, prostitusyon at iba pang biktima ng iba’t ibang uri ng karahasan at pang-aabuso sa lipunan alinsunod sa temang “Together against human trafficking”.
Si Saint Josephine Bakhita na patron ng Sudan Africa at mga biktima ng human trafficking ay biktima rin ng karahasan at pang-aabuso nang dukutin ng mga Arabo at gawing alipin matapos ay ikinalakal sa pamilihan ng El Obeid, Sudan.
Sinamantala ng karamihan ng mga pamilyang pinagsilbihan ni Josephine ang kaniyang kahinaan bilang bata tulad ng pisikal, sekswal at emosyonal na pang-aabuso.
Sa patuloy na paglalakbay bilang alipin, nasumpungan ng Santa ang komunidad ng Cannosian Sisters sa Venice Italy, bininyagan noong ika – 9 ng Enero 1890 at pinangalanang Josephine Margaret Fortunate.
Ika-8 ng Pebrero 1947 nang pumanaw ang Santa at sa huling hininga nito tinawag ang Mahal na Birhen “Our Lady, Our Lady.”
Idineklarang bilang Santo ng Simbahang Katolika si Saint Josephine Bakhita ng Oktubre 2000 ni Saint John Paul II.
Sa pagtaya ng International Labor Organizations (ILO) noong 2017 halos 25 milyong indibidwal ang biktima ng human trafficking sa buong mundo kung saan halos kalahati dito ay pawang kababaihan.
Sa ensiklikal na Evangelium Vitae ni Saint John Paul II binigyang diin dito na nararapat pahalagahan ang buhay ng tao sapagkat ito ay banal na kaloob ng Diyos sa tao at ito rin ang templo ng Panginoon.