285 total views
Higit tayong mahalaga sa mata ng Diyos.
Ito ang paalala ng Kan’yang Kabunyian Luis Antonio Kardinal Tagle sa misang ginanap sa Parola 58 sa Binondo Manila nitong Miyerkules Santo.
Sa homilya ng Arsobispo ng Maynila, binigyang diin nitong walang katumbas na halaga ng salapi ang buhay ng tao sapagkat ito ay biyayang ipinagkaloob ng Panginoon sa bawat isa.
“Ang halaga ng tao, ng kanyang buhay bilang galing sa Diyos ay hindi nababayaran ng anumang bagay,” bahagi ng homiliya ng Kardinal.
Inihalintulad ni Kardinal Tagle ang karanasan ni Hesus na ipinagkanulo ni Judas Iscariote kapalit ang tatlumpong pilak dahilan upang dakpin ng mga kaaway.
Hinamon ni Cardinal Tagle ang bawat mananampalataya na laging alalahanin ang mga sugat na natamo ni Hesus nang ipako ito sa krus dahil sa pagkakanulo kapalit ang salapi at kayamanan.
Sinabi ng Kardinal na kung hindi masusupil ang pagpapahalaga ng tao sa salapi ay mararanasan ng bawat isa ang karanasan ni Hesus.
“Kung nagawa yan sa anak ng Diyos, kayang kaya gawin yan sa mga katulad natin,” ani ng Kardinal.
Binigyang diin ng Kardinal na dapat masasaktan ang bawat taong tinatanong kung magkano ang halaga nito sapagkat hindi ito ikinalulugod ng Panginoon.
Hinimok ng pinunong pastol ng Maynila ang bawat isang dumalo sa Misa na higit na pahalagahan ang buhay na siyang tunay na kayamanan.
“Ang ating kayamanan ay ang ating pagkatao, ang ating buhay pamilya at dangal ng ating mga anak. ‘Yan ang tunay na kayamanan na hindi napepresyuhan.” Ayon kay Kardinal Tagle.
HUWAG IPAGBILI ANG BOTO
Una nang ipinaalala ng mga lider ng Simbahang Katolika sa mahigit 60 milyong botante sa bansa na makiisa sa pagpanatiling maayos at malinis ng halalan sa pamamagitan ng hindi pagbebenta ng boto.
Mariing tinututulan ng Simbahan at ng iba’t ibang grupo ang talamak na vote buying tuwing halalan na kadalasang pinag uugatan ng katiwalian at korapsyon sa pamahalaan.
Pinaalalahanan ang bawat botante na piliin ang mga kandidatong may tunay na hangaring maglingkod sa bayan na walang kapalit na anumang halaga at hindi yaong maglilingkod para sa personal na interes.
Sa ika 13 ng Mayo gaganapin ang halalan para punan ang higit sa 18, 000 posisyon sa national at local government sa Pilipinas.
Samantala, ito ang ikalawang pagkakataon na nagdiwang ng Banal na Misa si Kardinal Tagle sa Parola 58 makaraang nasunog ang buong lugar noong 2015.
Sa pagtatapos ng homiliya ni Kardinal Tagle, inihabilin nito sa bawat nakikinig na tularan ang pagsisi at pagbabalik loob ni Judas Iscariote nang mapagnilayan ang pagkakamaling nagawa.
“Tularan ang pagbabalik loob ni Judas Iscariote. May pag asa tayo, magbalik loob, at suriin mabuti ang sarili. Ako ay may dangal, ako ay regalo ng Diyos.” saad ni Kardinal Tagle.