189 total views
Manila, Philippines– Hinimok ni Buhay Partylist Representative Lito Atienza ang mamamayan na pairalin ang kanilang prinsipyo at labanan ang imoralidad na namamayani sa lipunan.
Binigyan diin ng Kongresista ang “the power rest under [the] people” na tunay na kahulugan ng prinsipyo sa demokrasya.
Hinamon ni Atienza ang mamamayan na gumising at lumabas para tutulan ang parusang kamatayan na naipasa sa 2nd reading sa Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil sa pamba-braso ng House Speaker.
“Kung ako ang tatanungin nyo kung ano nga ba ang magagawa natin, kailangan po ang mamamayan ay gising at handang umaksyon kung anuman po ang kailangang gawin, dahil kung hindi, talagang magiging sunud-sunuran tayo maski mali na po yung pinasusunod, lululunin po natin katulad nitong death penalty.”pahayag ni Atienza sa Radyo Veritas.
Nanindigan rin si Atienza na hindi magiging solusyon ang Death Penalty para masawata ang paglaganap ng kriminalidad sa lipunan.
Aniya, ang karahasan ay hindi masusupil ng isa pang uri ng karahasan, bagkus ay lalo lamang nitong mapalalala ang kaguluhan sa bansa.
“You will only aggravate. Lalong lalala ang culture of violence. Hindi po mabuti ang maidudulot niyan. We have to keep on fighting for our principle. Tapos tatanungin nyo kung ano ang magagawa natin, aba, lumaban tayo para sa ating prinsipyo, whether you are a congressman or a media woman, ipaglaban natin kung ano yung tama. Ipangaral natin kung yung ang tama. Dahil yan po ang paraan para sa isang demokrasya.” Dagdag pa ni Atienza.
Itinakda ang third reading sa naturang panukala batas sa March 8, araw ng Miyerkules.
Patuloy ding naninindigan ang mga lider ng Simbahang Katolika laban sa death penalty.(Newsteam/Yana Villajos)