514 total views
Nagpahayag na ng suporta ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa Buhay-Partylist para sa nakatakdang halalan sa bansa.
Sa pamamagitan ng isang liham Gabay ng Pamunuan ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na may titulong “Para sa Buhay” ay ibinahagi ni Bro. Raymond Daniel Cruz, Jr, ang resulta ng mga pagninilay at pananalangin ng mga laiko para sa nalalapit na National and Local Elections sa ika-9 ng Mayo, 2022.
Ayon kay Cruz, hindi matatawaran ang paninindigan at pagpapahayag ng Simbahan sa kahalagahan at kasagraduhan ng buhay ng bawat nilalang ng Panginoon.
Paliwanag ni Cruz, kaakibat ng hamon ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na “Sulong, Laiko!…Halalang Marangal Tungo sa Pag-Angat ng Buhay!” ay ang panalangin na gamitin ng mga laiko ang kanilang kapangyarihan na bomoto upang maghalal ng mga lider na marangal at tunay na magsusulong ng pag-angat ng buhay ng bawat mamamayan.
Pagbabahagi ni Cruz, matapos ang kanilang masusing pagninilay at pananalangin ay napagdesisyunan ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na suportahan at iendorso ang Buhay Partylist na pangunahing kumakatawan sa paninindigan ng Simbahan para sa kahalagahan ng buhay at pamilya gayundin sa paniniwala at pananampalataya sa Diyos.
“At dahil tayo ay nasa panahon ng eleksyon, minarapat natin hamunin ang kapwa Laiko: “Sulong, Laiko!…Halalang Marangal Tungo sa Pag-Angat ng Buhay!” Nais natin gamitin ng Laiko ang kanyang kapangyarihang magluklok nang mga marangal na lider na makakasama natin sa pagtatanggol at pagpapa-angat ng buhay. Kaalinsabay sa nauna naming pahayag ng suporta kay Vice President Leni Robredo at sa kanyang “Gobyernong Tapat, Angat Buhay Lahat”, ipinapahayag din namin ang aming personal at kanya-kanyang suporta sa “BUHAY-PARTY LIST”, na pangunahing kumakatawan sa aming mga paniniwala sa Diyos, at sa kahalagahan ng buhay at pamilya.” Ang bahagi ng Gabay ng Pamunuan ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas.
Apela ni Cruz, nawa ay timbanging mabuti ng bawat laiko ang pagpili sa mga Partylist na tunay na magtataguyod at kakatawan sa pagpapa-angat ng buhay ng bawat mamamayan lalo na ang mga manggagawa, may kapansanan at mga maralita.
Matatandaang una ng nagpahayag ng suporta sa kandidatura nina Vice President Leni Robredo at Francis “Kiko” Pangilinan para sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas na nagsisilbing implementing-arm ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity na binubuo ng higit sa 50 organisasyon ng Simbahan sa buong bansa na kasalukuyang pinamumunuan ni Tarlac Bishop Enrique Macaraeg.
Attached: Gabay ng Pamunuan ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas “Para sa Buhay”