4,313 total views
Tiniyak ni Buhay partylist representative Lito Atienza na gagawin nila ang lahat ng paraan upang maipaliwanag sa publiko ang kasamaan at kamalian ng death penalty na isinusulong na maibalik ng Kongreso.
Naniniwala si Atienza na bagamat super majority ang may hawak ng House Bill No. 1 na ito, marami pa rin ang may konsensiya na maninindigan na mahalaga ang buhay at hindi ang kinaanibang partido.
“Wednesday nag-start, ngayon siguradong I accelerate nila at susubukang I-fast break, gagawin po naman natin lahat ng paraan upang ipaliwanag sa bayan ang kasamaan at kamalian ng death penalty…super majority sila, pero marami tayong kasamahan na mayroong ding konsensiya at kapag alam nilang mali hindi sila basta susunod na lamang.” pahayag ni Atienza sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito, nagagalak ang Buhay Partylist dahil sa isinatinig na ng Simbahang Katolika sa pamamagitan ng mga obispo ang kanilang saloobin kung saan binasa sa mga Misa ang kanilang pastoral statement may kinalaman sa pagrespeto sa buhay.
“Binasa sa mga Simbahan kahapon ang mensahe ng ating Simbahan, ng mga obispo, tama po yun malaking bagay na ipaaala sa lahat lalo na sa mga mambabatas ang pagpapahalaga sa buhay ng bawat nilalang, I’m very happy the Church started to react properly sa mga nangyayaring hindi tama.” ayon pa kay Atienza.
Nagsimula na ang debate sa Kongreso sa pagbabalik ng parusang bitay noong nakaraang linggo. Una ng hinimok ng CBCP Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care, ang mga mananampalataya na ipanalangin ang mga mambabatas na anti-death penalty na manindigan sa kanilang ipinaglalaban kahit sila ay nasa ilalim pa ng pamunuan na nais ibalik ang batas na ito.
Sa huling tala, nasa 140 mga bansa na ang nagtanggal ng death penalty kabilang ang Pilipinas dahil hindi ito napatunayang nagpababa ng kaso ng krimen.