159 total views
Nilalayon ng Philippine Conference on New Evangelization (PCNE) na buhayin ang kalooban at kamalayan ng bawat isa sa mga nangyayari sa Bayan sa pananaw ng Mabuting salita ng Diyos.
Dahil dito, umaasa si CBCP- Episcopal Commission on the Laity Chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na magsilbing daan ang PCNE5 upang maihanda ang mga Layko at lahat ng Pari at mga Relihiyosong Delegado para sa nakatakdang State of the Nation Address ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa Obispo, nawa ay magising ng pagtitipon ang kamalayan ng bawat isa sa mga nangyayari sa Bayan at mahimok ang mga itong maging Misyunero sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga usaping Panipunan.
Inihayag ni Bishop Pabillo na marapat lamang na tumutok at suriin ng bawat mamamayang Filipino ang nakatakdang ikatlong SONA ni Pangulong Duterte.
Ayon sa Obispo, hindi lamang dapat marinig at malaman ang ulat sa bayan ng Pangulong Duterte kundi maging mapanuri ang mamamayan sa kung ano ang totoo o hindi at kumilos upang mapanindigan ang pagsusulong ng katotohanan.
“Yang PCNE, yan po ay para magkaroon ng New Evangelization buhayin ang kalooban ng mga tao tungkol sa nangyayari ngayon at sila’y maging bahagi, maging Misyunero kaya yung PCNE ay parang naghahanda sa atin na sana may kahandaan sila na pagdating ng SONA tulad ng ginawa natin See, Judge, Act. Tingnan nila yung mga sinabi totoo ba o hindi, na sila’y panindigan nila ano yung tama, ano yung mali at sila’y kumilos. So sana itong PCNE ay maging paghahanda sa mga tao na mas maging Engage sa larangan ng buhay na ipinapasok ang pananampalataya.“ pahayag ni Bishop Pabillo.
Nagsimula ang limang araw na Philippine Conference on New Evangelization noong ika-18 ng Hulyo kung saan inilaan ang unang 2 araw ng pagtitipon para sa mga Clergy at Religious mula sa iba’t ibang Kongregasyon at Diyosesis sa buong Bansa.
Tema ngayong taon ang “Moved with Compassion… Feed the Multitude” na naglalayung mapalalim pa ang kamalayan ng mga mananampalataya sa pagbabahagi ng habag sa kapwa.
Batay sa tala ng pamunuan ng PCNE, umabot sa 7,000 ang kabuuang bilang ng mga Delegado ngayong taon kung saan sa bilang na ito 3,000 ang mga Religious at Clergy.
Nagtapos ang PCNE5 noong Linggo, ika-22 ng Hulyo sa UST.