150 total views
Umaasa si San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari na maibabalik ng mga Filipino ang kultura ng ‘barangayan’ na nangangahulugan ng pagtutulungan ng komunidad.
Ang mensahe ng Obispo ay kaugnay sa nakatakdang pagdaraos ng Sangguniang Kabataan at Barangay elections sa ika-14 ng Mayo.
“Ang mahalaga ay mamayani ang genuine concern,” ayon kay Bishop Mallari.
Sinabi ng Obispo na hindi dapat mawala ang kahulugan ng barangay na pagtutulungan lalu’t nasa iisang komunidad lamang ang mga botante.
“Nawawala ang tunay na salita ng ginagamit natin, tulungan dapat ang nakikita diyan sa barangay level. Lalung lalo na dahil magkakakilala naman ang mga tao. Dapat ay mas maging maalab ang damayan at malaki ang malasakit natin sa kababayan natin. Huwag tayong magpagamit sa hindi magandang pulitika,” panawagan ng Obispo.
Panawagan din ng Obispo sa mga botante at kandidato na panatilihin ang katiwasayan sa halalan at iwaksi ang karahasan.
Iginiit ng Obispo na sana ay maiwasan ang mga pandaraya, pananakot at pagpaslang sa halip ay umiral ang patas na halalan na mailuklok ang kagustuhan ng mga tao na makakapagbigay ng tunay na serbisyo sa publiko.
“Dagdagan natin ang dasal unang-una bantayan ang boto natin yung mga boto ng ating at ng ating kababayan sa barangay. Nawa makapag-organize kasama ang PPCRV sa barangay level natin. Para sama-sama nating pagtulungan na ang pagkakaroon ng patas, maayos at talagang walang violence na mangyayari sa ating mga barangay,” ayon kay Bishop Mallari.
Layunin ng halalan na punan ang may 900 libong posisyon ng higit sa 42 libong barangay sa buong bansa.
Sang-ayon sa Panlipunang katuruan ng Simbahan, ang malayang pagpili ng mga kandidato at ang pagboto sa mga ito ay karapatan ng bawat mamamayan na hindi dapat pigilan at bagkus ay dapat pang itaguyod at pangalagaan ng pamahalaan.