223 total views
Ito ang naging pahayag ni San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education sa isasagawang “national day of unity and rage against Marcos hero’s burial sa ika – 25 ng Nobyembre ng kasalukuyang taon.
Hinimok ni Bishop Mallari ang mga administrator ng mga paaralan lalo ng mga Catholic schools and universities sa bansa na makilahok sa mga mapayapang pagkilos laban sa pagtutol sa pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay Bishop Mallari, mahalagang ipamulat sa mga kabataan ang madilim na kasaysayan ng Martial Law upang hindi na ito maulit pang muli lalo na ang mga paglabag sa karapatang pantao.
“Sana itong pangyayaring ito, maibalik itong rally na ito maibalik sa ating mga kabataan, ibalik sa atin yung nangyari sa EDSA kababaang loob, yung respeto sa isa’t isa, yung pagtutulungan na naranasan natin noon. Together as a people tumayo tayo laban sa dikturya sa Martial Law that is against the human rights. Lahat po ng nakita natin noon kung paano naging matatag ang pagkakatayo ng Sambayanang Pilipino para sa bayan at para sa kinabukasan ng ating mga kabataan,” pahayag ni Bishop Mallari sa panayam ng Veritas Patrol.
Nag – alay rin ng panalangin si Bishop Mallari sa mapayapang Black Crusade Rally sa Biyernes na manindigan muli ang taumbayan sa katotohanan at mamayani ang pagmamahal sa bayan sa ikabubuti ng kinabukasan ng mga kabataan.
“Panginoon, salamat po sa biyaya na makibahagi sa malawakang protesta na gagawin sa darating Biyenes. Hinihiling po namin sa inyo ipagkatiwala po namin sa inyo ang gagawin namin sa Biyernes. Humihingi po kami ng wastong pag – iisip, wastong pag – intindi sa mga pangyayari sa aming bayan. At sana ang ginagawa namin ay talagang pagpapahayag ng tunay na malasakit para sa aming bayan para sa kinabukasan ng maraming mga kabataan. Hinhiling namin sa inyo Panginoon na hindi mamatay yung apoy ng pagiging makabayan, apoy ng pagnanais na manatili sa harap ng mga pagsubok na tumayo para sa makabubuti sa aming bayan,” panalangin ni Bishop Mallari sa ikapapayapa ng kilos protesta sa Biyernes.
Ang patagong paglilibing sa LNMB kay dating pangulong Marcos noong Biyernes ay nagbunsod ng mga pagkilos sa People Power Monument na dinaluhan ng halos 10,000 katao mula sa mga Catholic schools and universities sa Metro Manila.
Nauna na ring sinabi ni CBCP – Permanent Committee on Public Affairs chairman at Lipa Archbishop Ramon Arguelles na ang diwa ng EDSA People Power ay mananatili kahit na nailibing ang dating diktador sa LNMB.