216 total views
Kapanalig, hininto ng pandemya ang sana’y tuloy tuloy na pag-arangkada mula sa kahirapan ng maraming bansa sa buong mundo. Sa unang pagkakataon matapos ang ilang dekada, matindi ang naging pagtaas ng bilang ng mga naghihirap sa buong mundo. Mas nakita natin ang inekwalidad o hindi pagkapantay pantay ng mga mamamayan sa sandaigdigan.
Ayon sa World Bank, tinatayang 88 million hanggang 115 milyong katao ang tinulak ng pandemya sa sukdulang kahirapan nitong 2020. Maari pa itong umabot ng 150 million ngayong 2021. Ang sukdulang maralita kapanalig, ay silang mga nabubuhay ng mas maliit pa sa $1.90 kada araw. Kung walang pandemya, bababa pa sana ng 7.9% ang bilang ng mga mahihirap sa buong mundo.
Ang usaping kahirapan, kapanalig, ay hindi lamang simpleng gutom. Kailangang matugunan ito sa mas komprehensibong paraan dahil ang kahirapan ng mamamayan ay kaugnay ang bulnerabilidad nila sa ano pa mang krisis na nararanasan at mararanasan pa ng mundo, at sa kakayahan ng lahat na makabangon mula sa trahedya. Lagi nating sinasabi na “we should build back better,” kaya lamang ang karaniwang paraan na ginagawa ng marami ay pagtaguyod ng mga imprastraktura at sistema na magpapatuloy lamang ng business as usual. Nagmamadali ang lahat sa pagbubukas ng ekonomiya upang mapanumbalik ang kita, pero hindi na-address o natutugunan ang inekwalidad at kawalan ng oportunidad ng marami sa lipunan. Ang sukdulang maralita, may COVID man o wala, ay naghihirap.
Kulang ang build back better, kapanalig. Kailangan, ayon sa mga eksperto, ay to build forward – ang maglikha ng mas mainam na sistemang pang-ekonomiya at panlipunan na inuuna ang tao bago ang kita.
Ano ba ang kongkretong aplikasyon nito? Makikita natin ito sa distribusyon pa lamang ng bakuna. Nagkagipitan nung mga unang araw ng distribusyon ng bakuna dahil ang mga bansang mayayaman at may budget ang naunang nagkaroon ng bakuna. Bumibili sila nito ng maraming supply galing sa kanilang matatabang kaban. Ang mga bansang gaya ng Pilipinas, halimbawa, hindi agad nakakabili. Bitin sa budget, at siyempre, bitin sa supply. Ang mga nabibili naman ng mga bansang gaya natin, karaniwan, ay hindi mula sa kaban o treasury ng bayan, kundi sa utang. Kaya’t ang mahirap, lalong naghihirap. Hindi lamang sa panahon ng pandemya, kundi sa kalaunan pa dahil baon sa utang.
Kapanalig, sabi nga sa Catholic Social Teachings, sa Populorum Progressio: “The world is given to all, and not only to the rich… The superfluous wealth of rich countries should be placed at the service of the poor nations.” Kung hindi ito magagawa ng mundo, ang kaunlaran at survival ng lahat ay mahirap abutin. Nakita natin ngayong pandemya ang kaugnayan nating lahat bilang isang malaking pamilya. Ang sakit ng isa ay sakit ng lahat. We are only as strong as our weakest link.