1,507 total views
Ang Mabuting Balita, 07 Disyembre 2023 – Mateo 7: 21, 24-27
BUKAS NA PUSO
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit.
“Kaya’t ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay matutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo sa ibabaw ng bato. Ang bawat nakikinig ng aking mga salita at hindi nagsasagawa nito ay matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Bumagsak ang bahay na iyon at lubusang nawasak.”
————
Malinaw na sinabi ni Jesus kung gaanong mahalaga ang PAKIKINIG. Paano tayo makakasunod sa kalooban ng Ama kung hindi natin alam kung paano? Ang pangunahing kinakailangan sa pakikinig sa Salita ng Diyos ay isang BUKAS NA PUSO, kung hindi baka piliin lang natin kung ano ang gusto nating pakinggan.
Tunay na ang ating pananampalataya sa Diyos ay hindi maaaring manatili sa isip lamang. Kahit ang ating “Baptismal Certificate” ay hindi patotoo ng ating pananampalataya sa Diyos. Ang patotoo ay ang ating mga kinikilos. Ito ay nasasaad sa Santiago 2: 26: “Patay ang katawang walang espiritu; gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kasamang gawa.” Kinamumuhian ng demonyo ang mga taong tunay na nakikinig sa Salita ng Diyos at kumikilos ayon dito, sapagkat itong uri ng pananampalataya ang hindi niya kayang sirain, anuman ang mangyari!
Panginoon, tulungan mo kaming makinig mabuti!