73,909 total views
Mga Kapanalig, bilang tugon sa mga illegal offshore gaming operators, bumuo ang ating pamahalaan ng isang task force sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (o DILG).
‘Di ba parang “too late the hero” na tayo rito?
Dalawang araw bago ang SONA, pinulong ni DILG Secretary Benhur Abalos sa magkakahiwalay na okasyon ang mga kinatawan ng law enforcement agencies (sa pangunguna ng Philippine National Police o PNP) at opisyal ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila, Central Luzon, Southern Tagalog, Ilocos Region, at Cagayan Valley. Sa mga lugar na ito talamak ang mga pasilidad ng Philippine Offshore Gaming Operators (o POGO).
Matagal na ring laman ng balita ang mga POGO dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa mga iligal na gawain katulad ng online scam, human trafficking, torture, at pati raw paniniktik sa gobyerno at mga pagpatay. Malayo ito sa sinabi noon ni Pangulong Duterte, na siyang nag-endorso ng pagpapapasok sa mga negosyong ito sa ating bansa, na “malinis” ang POGO.
Tila mga kabuteng nagsulputan ang mga POGO, kaya’t nakapagtatakang may mga opisyal ng lokal na pamahalaan (o mga LGU) na parang gulát na gulát sa pagkakatuklas na may POGO sa nasasakupan nilang lugar. Sa Pampanga nga, may natuklasan pang exclusive resort kung saan umano nakatira ang mga incorporators at “big bosses” ng mga POGO.
Hindi ba alam ng mga LGU officials na ito ang pagkuha ng business permit ng mga POGO facilities—kung kumuha man sila? Hindi ba nila nadadaanan ang mga naglalakihang gusali sa gitna ng malalawak na palayan? Hindi ba nila nakadaupang-palad ang mga negosyanteng nagpapasok ng pera sa kanilang kaban—kung nagbabayad nga sila ng tamang buwis?
Malinaw din sa batas, may kapangyarihan ang mga LGU na inspeksyunin ang mga negosyo sa kanilang nasasakupan. Kung mapatutunayang may paglabag sa batas ang mga ito, kapangyarihan din ng LGU na suspendihin ang operasyon ng mga negosyong ito at bawiin ang permits na ibinigay sa kanila.
Kung hindi pa nagsagawa ng raid ang ating awtoridad sa mga pasilidad na ito—kasunod na rin ng mga isinagawang pagdinig sa Senado—hindi malalaman ng publiko ang mga kahindik-hindik na nagaganap na mga POGO. Makita rin sana natin sa isyu ng POGO ang kapalpakan ng ating mga LGU na ihinto ang mga ililgal na gawain sa mga POGO. Ang mga krimen ay “right under their noses,” ‘ika nga sa Ingles. Kaya hindi maiwasang magtanong ang ilan sa atin kung nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan ba ang nasa mga LGU? Kung hindi kasi, paanong nakalusot sa kanila ang mga nangyayari sa POGO, lalo na ang pambibiktima at pangmamaltrato sa mga nagtatrabaho sa mga ito?
Sa lente ng mga panlipunang turo ng Simbahan, ang mga lokal na pamahalaan ang pangunahing nagsasabuhay ng prinsipyong tinatawag na subsidiarity. Tumutukoy ang subsidiarity sa pagkilala sa kakayahan at kakayanan ng maliliit na institusyon o mga institusyong mas malapit sa mga tao gaya nga ng mga LGU. Tulong at hindi kontrol ang kailangang ibigay sa kanila ng malalaking institusyon gaya ng pambansang pamahalaan. Sa isyu ng POGO, taliwas sa prinsipyo ng subsidiarity ang tila paghuhugas-kamay ng mga LGU.
Mga Kapanalig, kahit pa banned na ang mga POGO, ayon kay PBBM, dapat ding panagutin ang mga LGU na nagsilbing instrumento sa pagpapatuloy ng operasyon ng mga ito. Kung ginawa nila ang kanilang trabahong alamin kung may nilalabag na batas ang mga negosyo sa kanilang lugar, hindi tayo hahantong sa sitwasyong ito. Idaan din sila sa proseso ng pagtatapat ng kanilang mga kasalanan, gaya ng ipinahihiwatig sa Santiago 5:16. At muli, sa darating na eleksyon, maging mapanuri tayo sa mga mamumuno ng ating mga LGU.
Sumainyo ang katotohanan.