55,691 total views
Mga Kapanalig, gaya sa larong tagu-taguan, ilang buwan nang “tayâ” ang ating kapulisang hindi mahanap-hanap si Pastor Apollo Quiboloy ng grupong Kingdom of Jesus Christ (o KOJC). Hinihinalang nagtatago siya sa compound ng grupo sa Davao. Mahigit isang linggo na ang nakalipas mula noong ibinalita ng Philippine National Police (o PNP) na, gamit ang isang life detection device, natuklasan nilang may mga heartbeat sa ilalim ng compound.
Sa mga hindi nakakaalala kung bakit ito nangyayari, si Quiboloy ay wanted sa Estados Unidos at Pilipinas dahil sa mga kasong child abuse, sexual abuse, at human trafficking.
Sa kabila nito, patuloy ang pagsuporta at pagprotekta kay Quiboloy ng mga tagasunod niya. Nag-rally sila sa highway papunta sa compound upang pigilan ang mga pulis. Inakusahan ng ilan sa kanila ang mga pulis na nananakit. Agad itong pinabulaanan ng PNP at sinabing may video na nagpapakitang ang mga miyembro ng KOJC ang nagsasakitan at isinisisi lamang nila ito sa mga pulis. May mga nagsilbing human barricade at nagbantay sa paligid ng compound. Umabot sa puntong may nasawing miyembro ng KOJC, pero hindi dahil sa karahasan kundi dahil ilang araw na siyang pagod at puyat kakabantay.
Bilang lider, tungkulin ni Quiboloy na paglingkuran ang kanyang mga tagasunod. Kagaya ito ng sinabi sa Marcos 10:43-44, “ang sinuman… na nais maging dakila ay dapat maging lingkod… at ang sinumang nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat.” Paano niya ito naisasabuhay bilang pinuno ng KOJC?
Maraming obserbasyong nagsasabi na napaniwala raw ni Quiboloy ang kanyang mga tagasunod na ang mga sexual acts na ginagawa ng kanilang mga lider, pagtatrabaho nang walang kaukulang sahod, at pagsisinungaling upang makapanlimos ng perang ibibigay sa kanilang simbahan ay mga paraan ng pagpupuri sa Diyos. May mga nagsasabi ring na-brainwash ang kanyang mga tagasunod na umabot na sa puntong parang wala na silang pakialam sa kanilang dignidad. Ebidensya nito ang patuloy na pagprotekta nila kay Quiboloy sa halip na sa mga inabuso, at ang hindi pagpapahalaga sa kaligtasan ng mga nagsisilbing human shield.
Hindi lamang nangyayari sa mga grupong panrelihiyon ang ganitong bagay. Malawakan din nating makikita sa pulitika ang mga tinatawag na blind followers o ‘yong mga tagasunod na pinaniniwalaan at ginagawa ang lahat ng sabihin ng kanilang lider nang walang pagkuwestyon. Wala silang nakikitang mali sa mga sinasabi at ginagawa ng kinikilala nilang lider. Sinasamantala naman ito ng mga lider na sakim sa kapangyarihan at inuuna ang personal na interes, imbis na interes ng kanilang mga dapat paglingkuran. Hamon din po ito sa ating Simbahang Katolika.
Mga Kapanalig, gaya ng sabi ni Pope Francis sa isang mensahe noong 2014, ang tunay na lider ay naglilingkod sa iba. Huwad na lider ang mga nagsusulong ng sarili nilang kagustuhan. Maging paalala sana ito sa mga lider sa anumang larangan—sa pulitika, sa relihiyon, sa mga negosyo, at iba pa—maging sa ating komunidad at pamilya. Tayo naman ay dapat maging mapanuri sa mga sinasabi at ipinapagawa sa atin ng mga sinusundan nating lider.
Sumainyo ang katotohanan.