309 total views
Homiliya para sa Huwebes sa Panahon ng Kapaskuhan, Ika-5 ng Enero 2023, Juan 1:43-51
Ang bilis naman yata ng pagbabago ng tono ni Nataniel sa ebanghelyo. Kasasabi pa lang niya na “hindi siya bilib”; meron daw bang magaling o mabuti na pwedeng manggaling sa liblib na barangay ng Nazareth? Ngayon hindi lang siya magbabago at “bibilib”; aba bigla ba namang magpapahayag ng pananampalataya kay Hesus bilang ANAK NG DIYOS AT HARI NG ISRAEL?
Sa sumikat na American TV series tungkol sa buhay at misyon ni Jesus, ang THE CHOSEN, para ipaliwanag ang pagbabago ng disposisyon ni Nataniel, nag-“reading between-the-lines” ang script-writer ni Dallas Jenkins. Pinakilala niya si Nataniel bilang isang trying-hard na apprentice sa Roman architecture at engineering.
Dahil mahusay siyang gumuhit, medyo sumobra nang kaunti ang pagkabilib niya sa sarili, nag-alok ba naman siya ng serbisyo na ipagtayo ng isang Roman-style na bahay ang isang kliyente. Ang ganda naman talaga ng disenyo niya sa papel. Pero nang itayo na ang bahay, dahil mali ang kalkulasyon, nang halos nabubuo na ang balangkas biglang ba naman itong nag-collapse at nadisgrasya pati mga construction workers.
Sira ang repustasyon niya at mabigat pa ang konsensya niya kaya nag-suffer ng depression at sa ilalim ng isang fig tree, nagreklamo siya sa Diyos, naghinga siya ng sama ng loob sa Panginoon—bakit daw niya hinayaang mangyari iyon, gayong nagdarasal naman siya at wala namang inaagrabyadong tao sa buhay niya. Nagbabalak na siyang mag-suicide at tinitingnan na niya ang sanga na pagtatalian niya ng pambigti ng sarili niya sa ilalim ng fig tree, pero hindi niya magawa. Parang di niya maituloy ang maitim na balak niya. Kaya umuwi na lang siya at naglasing.
Noon naman siya matatagpuan ni Philip sa bahay, may hang-over pa mula sa magdamag na paglalasing. Kaya nang sabihan siya ni Philip na natagpuan na nito ang Mesiyas kay Jesus na anak ni Joseph na taga-Nazareth, malamig atmay pagka-sarcastic ang reaksyon niya. Di niya alam na nandoon na mismo sa may bukana ng pintuan ang Jesus na ibig ipakilala ni Philip sa kanya. Baka nga narinig pa nito ang panlalait na lumabas sa bibig ni Nataniel, “Meron daw bang mabuting pwedeng manggaling sa Nazareth.”
Laking gulat tuloy niya nang pumasok sa eksena si Jesus at sinabi, “Heto ang tunay na Israelita; walang kaplastikan.” At mabilis namang sasagot si Nataniel, “Magkakilala ba tayo?” At ang simpleng sagot ni Jesus ay “Bago ka nakita ni Philip nakita na kita sa ilalim ng fig tree.”
Napanganga sa pagkabigla si Nataniel. Ni hindi niya mabigkas ang tanong sa loob-loob niya, “Paano mo nalaman?” Tuloy napaluhod siguro siya at “Ikaw ang Anak ng Diyos; ikaw ang hari ng Israel.” At si Jesus naman ay nakangiti, habang sinabing, “Iyon lang, bilib ka na? Dahil sinabi kong nakita kita sa ilalim ng fig tree? Mas higit pa diyan ang makikita mo. Bubukas ang langit sa iyo at makikita mong pumapanhik at pumapanaog ang mga anghel sa Anak ng Tao.”
Parang naulit kasi kay Nataniel ang panaginip ni Jacob (Genesis 28). Kaya lang imbes na hagdan ang makikita, si Jesus. Siya mismo ang magsisilbing tagapag-ugnay ng langit at lupa. Kung paanong binago ng karanasang iyon ang pagkatao ni Jacob mula sa pagiging mandaraya tungo sa pagiging totoo at matapat, ganoon din ang mangyayari kay Nataniel.
Ang yumaong titser ko sa Pilosopiya, si Fr. Roque Ferriols ang lumikha ng salita para sa ganyang klaseng karanasan: “ANG BULAGANG HETO AKO”.
Totoong sa buhay ng tao, paminsan minsan, parang binubulaga tayo ng Diyos na hinahanap natin. Iyong akala mo malayo siya, walang pakialam, walang naririnig. Iyong akala mo wala siya, nariyan lang pala. Nang walang pasa-pasabi, biglang lilitaw na pabulaga at magsasabing, HETO AKO.
Epiphania ang tawag ng mga Griyego sa ganyang karanasan ng pagpapamalas ng Diyos sa tao. Kung may Nataniel sa simula ng ebanghelyo ni Juan, mayroon ding Tomas sa dulo ng ebanghelyo niya—iyung alagad na nagsabing “Hangga’t di ko mahaplos ang mga sugat niya at maisuot ang mga daliri ko sa tagiliran niya, hind ako maniniwala.” Kaya binulaga rin siya at napaluhod at nagsabing, “Panginoon ko, Diyos ko!”