4,842 total views
Hinimok ni outgoing Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang mga mananampalataya na bumalik sa kalinga ng Mahal na Birheng Maria tuwing maliligaw ng landas.
Ito ang panawagan ng Obispo sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Nuestra Señora Del Santisimo Rosario La Naval De Manila sa Santo Domingo Church – National Shrine of Our Lady of the Holy Rosary of La Naval de Manila na kilala din bilang Santo Domingo Church.
“At kung minsan nakakalimutan po natin na hindi lamang tayo ang nagtitiwala sa Diyos, ang Diyos ay nagtitiwala din sa atin, ang Diyos malaki ang paniniwala niya sa atin kaya nararapat lang na tumugon tayo ng buong puso katulad ng ipinakita ni Maria, napakaganda po ng ating ginagawa, hindi tayo nagsasawang binabalikan kung papaano, ang ating Mahal na Ina ay mailapit tayo sa kaniyang anak dahil ipinagkatiwala tayo ni Hesus sa kaniya bago siya mamamatay sa krus,” ayon sa mensahe at pagninilay ni Bishop Ongtioco para sa Dakilang kapistahan.
Ang mensahe ng Obispo ay dahil sa paglaganap ng pagkalito sa puso ng mga mananampalataya kung saan marami ang napapalayo sa Panginoon.
Ipinagdarasal ni Bishop Ongtioco na laging maalala ng mga mananampalataya na kailanman ay hindi sila iiwan ng Panginoon at palaging nagsisilbi ang Mahal na Birheng Maria bilang pamamagitan ng sangkatauhan upang manatili at mapatibay ang pananamaplataya.
Ngayong taon ay itinalaga sa temang ‘Mary the Advocate of Holy Favors’ ang paggunita sa Kapistahan ng La Naval De Manila.