399 total views
Mga Kapanalig, “take the bait but not the hook.”
Payo ito sa mga botante ng yumaong Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin noong eleksyong ginawa sa mga huling taon ng rehimeng Marcos. Ipinahihiwatig sa mga salitang ito ni Cardinal Sin na kahit pa tinatanggap ng mga botante ang bait o ang perang ipinapain ng mga pulitiko, sa huli, ang mahalaga ay hindi sila magpahuli sa pangawit o hook. Sa kabila ng laganap na vote buying noong eleksyong iyon, nanalo si Cory Aquino bagamat pinilit palabasin ni Pangulong Marcos, na naglabas ng limpak-limpak na salapi upang suhulan ang mga tao, na siya ang nanalo.
Noong nakaraang linggo, naging usap-usapan ang mga binanggit ni Vice President Leni Robredo sa isang interview na bagamat mali ang pagbebenta at pagbili ng boto, hindi maiiwasang tanggapin ng mga botante ang iniaalok sa kanilang pera. Tanggapin ang pera, ngunit bumoto ayon sa konsensya, paliwanag ng bise presidente. Gaya ng inaasahan, nagpanting ang tainga ng mga taong naniniwalang mali ang vote buying. Ngunit kung pakikinggan ang buong interview kay VP Leni, malinaw na tinututulan niya ang vote buying at wala siyang balak at kakayahang gawin ito. Kung inyo ring matatandaan, umani rin ng batikos ang sinabi ni Pangulong Duterte noong halalan ng 2019 na “integral part” o hindi mawawalang bahagi ng ating eleksyon ang vote buying.
Ipinagbabawal sa ating Omnibus Election Code ang pagbebenta at pagbili ng boto. Election offense ang pamimigay at pagtanggap ng pera o anumang bagay na may halaga kapalit ng pagboto sa isang kandidato o ng hindi pagboto. Sa kabila ng pagiging labag sa batas ng vote buying at vote selling, tila mahirap na talagang maputol ang ugat nito sa ating kulturang pulitikal. Umaasa na kapwa ang mga botanteng tumatanggap at ang mga pulitikong namimigay na magkakabilihan at magkakabentahan ng boto tuwing panahon ng kampanya.
Sinasabi ring ang mahihirap ang pangunahing target ng vote buying. Kung magiging praktikal ka nga naman, malaking bagay na ang limandaang piso para sa isang Pilipinong walang maipakain sa kanyang pamilya o hindi man lang makabili ng kanyang gusto. Ngunit sa isang pag-aaral ng Ateneo at AIM noong 2018, lumabas na bagamat tinatanggap ng mga botante ang perang suhol sa kanila, dalawa lamang sa tatlong botante ang bumoto para sa kandidatong bumili ng kanilang boto. Ibig sabihin, hindi garantiya ang pagbili ng boto upang makuha ng mga pulitiko ang boto ng kanilang mga sinusuhulan. Dagdag pa ng mga nagsaliksik, ang vote buying ay bahagi lamang ng mas malaking hakbang ng mga pulitiko na magkaroon ng utang na loob ang mga tao sa kanila. Ito ang tinatawag nating clientelism at patronage politics.
Wala sa posisyon ang Simbahan upang diktahan ang mga Katolikong botante kung sino ang dapat nilang piliin sa eleksyon. Wala rin ito sa posisyong husgahan ang mga taong nagpapasya batay sa kanilang pinipiling isaalang-alang. Ang pangunahing tungkulin nito ay ang hubugin ang konsensya ng mga tao nang sa gayon ay piliin nila ang tama, tuwid, at mabuti. Pagbibigay-diin nga ni Pope Benedict XVI sa Catholic social teaching na Deus Caritas Est, tumutulong ang Simbahang hubugin ang konsensya ng mga mananampalataya upang sa kanilang paglahok sa buhay-pulitika, makikibahagi sila sa pagtataguyod ng tunay na katarungan kahit pa salungat ito sa kanilang personal na interes.
Mga Kapanalig, ang pagboto ay isang konkretong pagsasabuhay ng nasasaad sa 1 Corinto 10:24: “Huwag lamang ang sarili ninyong kapakanan ang inyong isipin kundi ang kapakanan din ng iba.” Sa pagpili ng ating mga pinuno, humingi tayo ng tulong sa Diyos upang piliin ang ibinubulong ng ating konsensya, ang konsensyang nagpapaalala sa ating may pananagutan tayo sa ating kapwa at sa bayan.