294 total views
Muling tiniyak ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ang buong pusong pagsuporta sa mga migrante upang maitaguyod ang kanilang karapatan.
Sa pahayag ni Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) mahalagang mapangalagaan ang bawat migrante kahit saang panig ng daigdig.
“We, at CBCP-ECMI, walk and work with our migrants for the protection of life and promotion of their rights,” pahayag ni Bishop Santos.
Ang pahayag ng Obispo ay kaugnay sa pagkalunod ni Oscar Alberto Ramirez at 2 taong gulang na anak sa Rio Grande river sa Matamoros Mexico nang sinubukang tawirin ang ilog patungo sa Brownsville Texas.
Ang Rio Grande river ang tinaguriang U.S – Mexico border kung saan maraming mga migrante ang sumubok na tawirin upang humanap ng kabuhayan sa Estados Unidos.
Subalit naitala noong 2018 na 283 mga migrante ang nasawi ng tawirin ang border ng Mexico.
Tiniyak pa ni Bishop Santos na bukod sa pangangalaga sa naiwang pamilya ng mga Overseas Filipino Workers dito sa Pilipinas ay may mga programa rin ito sa iba’t ibang mga bansa upang tugunan ang kanilang pangangailangan.
“Here [Philippines], we attend to their loved ones and there, in foreign lands we accompany them with our chaplains,” dagdag pa ni Bishop Santos.
Sa kabuuang tala ng pamahalaan mahigit sa 10 milyon ang mga Filipino sa iba’t ibang bansa o katumbas sa halos 5 libong Filipino ang umaalis araw-araw upang maghanap-buhay sa ibayong dagat.
Hinimok ng pinuno ng CBCP-ECMI ang mga mananampalataya na bilang isang Simbahan nawa’y ipadama sa mga migrante ang kalinga at pagmamahal.
Tiniyak ng Obispo ang patuloy na pagtulong at pananalangin para sa kaayusan at kaligtasan ng bawat OFW.
“Let us continue to assist and help our OFWs and pray always for safety, sound health and success with their works, we make them feel that our Church is always with them for their welfare and well-being,” ani ni Bishop Santos.
Una nang kinilala ng Kanyang Kabanalan Francisco ang mga migranteng Filipino na nagsasakripisyo para maitaguyod ang kanilang pamilya kahit na malayo sa mga mahal sa buhay.
Setyembre 2017 naman ng inilunsad ng Vatican sa pangunguna ni Pope Francis at sa pamamagitan ng Caritas Internationalis ang Share the Journey Campaign na layong maturuan ng Simbahan ang mga tao na makipag-ugnayan sa mga tunay na migrante, alamin ang kwento ng kanilang buhay at kung ano ang nangyari sa kanilang paglalakbay.
Ang dalawang-taong kampanya ng “Share the Journey” ay naglalayon ding mapalawak ang kamalayan, magtaguyod at magpalakas ng ugnayan sa pagitan ng mga migrante, mga refugee at mga komunidad.