1,623 total views
Nasasaad sa social doctrine of the Church o panlipunang katuruan ng Simbahan na ang bilangguan ay dapat na magsilbing pansamantalang tuluyan ng mga naligaw ng landas sa lipunan at nararapat na maging daan sa muling pagbabalik ng kabutihan sa puso at isip ng mga nagkasala.
Sa ganitong konteksyo ay nagpaabot ng pagkilala ang Commission on Human Rights (CHR) sa Bureau of Corrections (BuCor) para sa inisyatibo nitong mapaluwag o ma-decongest ang mga detention facilities sa bansa.
Partikular na kinilala ng Komisyon sa Karapatang Pantao ang pagpapalaya ng BuCor sa may 416 na mga persons deprived of liberty (PDLs) o mga bilanggo noong nakaraang ika-20 ng Pebrero, 2023 kung saan sa bilang na ito 78 ang pinawalang sala; 9 ang ginawaran ng probation; 81 ang nakatanggap ng parol; habang ang iba naman ay pawang natapos na ang kanilang mga sentensya.
Ayon sa pamunuan ng CHR, malaki ang maitutulong ng plano ng BuCor na pagpapalaya pa ng may 5,000-kwalipikadong bilanggo sa pagsapit ng Hunyo 2023 upang tuluyang mapaluwag ang sitwasyon sa mga bilangguan sa bansa na isang paraan ng pagbibigay halaga sa dignidad maging ng mga bilanggo.
“The Commission on Human Rights (CHR) commends the Bureau of Corrections (BuCor) for the release of 416 persons deprived of liberty (PDLs) on 20 February 2023… CHR acknowledges that this recent action by the BuCor, as well as their plan to release 5,000 more qualified PDLs by June 2023, contributes to the overall decongestion of detention facilities. This effort may also be seen as a positive exercise of the President’s power to grant reprieves, commutations, and pardon under the 1987 Constitution toward upholding the dignity and rights of PDLs.” Ang bahagi ng pahayag ng Commission on Human Rights (CHR).
Ayon sa pamunuan ng CHR, napapanahon ng tugunan ang lumalalang pagsisiksikan sa mga bilangguan na nagdudulot ng hindi makataong sitwasyon sa mga bilanggo na maaaring makaapekto lalo’t higit sa kanilang kalusugan sa loob ng mga bilangguan.
Paliwanag ng CHR, bahagi rin ng tungkulin ng estado ang patuloy na pagbibigay halaga at respeto sa dignidad bilang tao maging ng mga bilanggo na nakagawa ng kasalanan sa kapwa.
“The Commission has time and again expressed alarm over issues of overcrowding, poor sanitation and ventilation, and lack of healthcare support which has plagued most of the country’s detention centers. By addressing these issues with utmost urgency, BuCor contributes a significant step towards fulfilling the state’s obligation to treat all prisoners with respect for their inherent dignity and value as human beings in line with the Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners, or the Nelson Mandela Rules.” Dagdag pa ng CHR.
Matatandaang tema ng naging programa na pinangasiwaan ng BuCor para sa paglaya ng 416 na mga bilanggo noong ika-20 ng Pebrero, 2023 ang “Paglaya Para sa Bagong Umaga, Pag-ibig at Pag-asa’y Muling Matatamasa” na naglalayong magsilbing inspirasyon para sa mga nakalayang bilanggo upang muling makapagsimula sa buhay.
Una na ngang iginiit ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care na mahalagang bigyan ng pag-asa at pangalawang pagkakataon ang mga bilanggo na makapagsisi, makapagbalik-loob at makapagbagong buhay mula sa kanilang mga nagawang kasalanan.