378 total views
Pinuri ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ang patuloy na pagbabakuna ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa buong bansa bilang proteksyon laban sa COVID-19.
Ayon kay Legaspi Bishop Joel Baylon, Chairman ng Komisyon, isang magandang balita ang ulat ng BJMP na hindi bababa sa 92-porsyento na ng mga persons deprived of liberty (PDL) ang nabakunahan kontra COVID-19.
Inaasahan ng Obispo pa ring magsumikap ang B JMP na makamit ang pagpapabakuna sa lahat ng mga bilanggo.
Tiwala si Bishop Baylon na pagsumikapan rin ng Bureau of Corrections na mabakunahan ang lahat ng mga bilanggo sa ilalim ng institusyon kung saan batay sa tala ng kumisyon ay nasa 50-porsyento pa lamang ang nababakunahan ng BUCOR.
“We appreciate the efforts of the BJMP in this regard trying their best to achieve 100% of their PDLs get vaccinated. We also hope & pray that this will hold true also in the BUCOR jails & prisons, where our records say only less that 50% of the PDLs under it has been vaccinated. And we also don’t have any available data from the provincial jails,” pahayag ni Bishop Baylon sa panayam sa Radyo Veritas.
Una ng ibinahagi ng Obispo na naaangkop lamang ang naturang hakbang ng mga institusyon ng pamahalaan upang maipadama sa mga bilanggo ang kanilang patuloy na pagiging kasapi ng lipunan lalo na sa gitna ng pandemya.
Ipinaliwanag ni Bishop Baylon na kaakibat ng proteksyon laban sa COVID-19 ay magdudulot rin ito ng pag-asa at katiyakan na walang sinuman ang naisasantabi sa lipunan.
Batay sa ulat ng BJMP, 92.18 – porsyento na o katumbas ng 119,175 na mga persons deprived of liberty (PDLs) ang bakunado na laban sa COVID-19 habang nasa 6.54 na porsyento naman ang naghihintay ng ikalawang dose ng bakuna.
Kaugnay nito, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan ang patuloy na pagpapahalaga sa dignidad at pagkakaroon ng karapatan ng mga bilanggo sa mga mahahalagang benepisyo tulad na lamang ng serbisyong pangkalusugan maging sa loob ng mga bilangguan.