199 total views
Umaasa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na tuluyan nang mabuwag ang burukrasya at palakasan sa pagtatatag ng Department of OFW.
Pinuri ni CBCP-ECMIP chairman Balanga Bishop Ruperto Santos ang Pangulong Rodrigo Duterte sa pangakong pagtatayo ng isang ahensya na tututok sa pangangailangan ng Overseas Filipino Workers.
Ayon kay Bishop Santos, maganda ang naturang pangako ng pangulo upang maipadama ang pagpapapahalaga sa mahigit 15-milyong OFWs na biktima ng maduming burukrasya.
“Ang kanilang pangangailangan, at kanilang pangangalaga ay matitingnan dun sa agency na itatayo. Maganda ito na kung saan maiiwasan ang ‘bureaucracy,’ maiiwasan ang pagbibiyahe, masasayang na oras, at panahon at sila ay matutukan sa kani – kanilang pangangailangan,”pahayag ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Inihayag ni Bishop Santos na maliligtas na rin ang mga OFW sa banta ng illegal recruitment sa bansa.
Kasunod nito, hiniling ng Obispo sa pamahalaan na panagutin ang kawani ng pamahalaan na nang – aabuso sa mga manggagawang migrante.
“Tayo rin ay natutuwa, tayo ay sumusuporta sa kanilang balakid kung saan ang illegal recruitment at ang human trafficking ay talagang pananagutin at dapat silang parusahan at talagang protektahan ang ating mga OFW,” giit ni Bishop Santos sa Veritas Patrol.
Nauna ng nauunawaan ni Pope Francis ang sakripisyong iginigugol ng mga OFWs maibigay lamang ang magandang kinabukasan sa kanilang pamilya.