243 total views
Pinatitigil ng Obispo ng Maynila ang sistema ng “business as usual” sa pagsugpo ng kagutuman.
Tinukoy ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity, ang paulit – ulit na pagpapatupad ng Pantawid Pamilya Pilipino Program o 4Ps ng pamahalaan upang wakasan ang problema ng kagutuman.
“Kaya kung pataas ang bilang ng mga nagugutom dapat maghanap ng paraan nung ating administrasyon kung paano tutugunan ang problemang ito. Ibig sabihin you should not be business as usual. Kasi kung business as usual ay pareho ang resulta niya, ibig sabihin ano ba ang gagawin ng gobyerno na may pagbabagong pamamaraan para masugpo ang gutom ng mga tao,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Veritas Patrol.
Pinahahanap rin ng alternatibong solusyon ng Obispo ang pamahalaan upang tuluyang wakasan ang problema nga kagutuman sa bansa gaya na lamang ng paglikha ng trabaho at paglaban sa umiiral na “end of contract” o ENDO.
Giit pa ni Bishop Pabillo na hanggang ngayon ay hindi pa rin naisasakatuparan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pangako na ipapasara ang mga kumpanyang nagpapatupad nito.
“Tulad ng nangako siya tungkol sa ENDO so ano ba ang gagawin na para mapigil yung pag – e- ENDO. Yun nasa dalawang buwan ng nakaupo ang presidente pero wala pa tayong nakikitang concrete steps. Wala pa ngang mga kumpanya na pinapasara dahil sa pag – e –ENDO nila na kailangan ng disiplina diyan,” giit pa ni Bishop Pabillo sa Veritas Patrol.
Batay naman sa Social Weather Stations o SWS, umaabot na sa 3.4 na milyong Pinoy ang nagsabing sila’y dumanas ng gutom nitong Hunyo.
Mas mataas ito sa naitalang hunger incidence na mahigit 13 porsyento o 3.1 milyong pamilya sa first-quarter survey noong Abril.
Samantala, matagal na ring nagsasagawa ng feeding program ang Simbahan sa programa nitong Hapag – Asa upang masiguro ang kalusugan ng 700,000 malnourished na bata sa bansa.