514 total views
July 3, 2020-11:06am
Tila sinamantala ng ilang mga negosyante ang umiiral na lockdown sa Baguio City upang mamutol ng puno.
Ito ang inihayag ni Fr. Mario Tambic, director ng Commission on Environment ng Diocese ng Baguio.
Sa nakalipas na linggo, may 53 pine trees ang sinasabing pinutol para sa magbigay daan sa pagpapatayo ng 12-storey condominium.
Ayon pa sa pari, nag-usbungan din sa lungsod ang mga karatula na ipinapaalam ang pagtatayo ng mga gusali kaya’t pinapangambahan din na ilan pang mga puno ang maaring tanggalin.
“Ang nakakalungkot dito, talaga ang Baguio sa tingin masesemento lahat. They hire or nagkokontrata sila ng mga magre-raise ng kanilang seedlings, pero hindi naman dito itatanim. Ang Baguio ay chartered city. Maliit lang na city ito. At kapag talagang maubos itong kahoy, kahit na ano pa ang gawin nilang magpropagate ng seedlings, saan pa nila itatanim iyan,” ayon kay Fr. Tambic.
Una na kinondena ni Baguio Bishop Victor Bendico ang pagtatanggal sa mga puno na pangunahing pananggagalang laban sa baha at pagguho ng mga lupa.
Giit pa ng obispo na ang pamumutol ng puno ay paninira sa kalikasan at tungkulin ng bawat isa na pangalagaan para na rin sa kabutihan ng higit na nakakarami.
Una na ring isinulong sa Baguio City ang moratorium laban sa pamumutol ng mga puno bilang isang hakbang sa pangangalaga sa kalikasan.