383 total views
Idineklara ng Diocese of San Pablo sa Laguna ang buwan ng Hunyo bilang Jubilee Month for Religious Men and Women sa diyosesis.
Ayon kay Rev. Fr. Ric Basquiñez MF – Episcopal Vicar for the Religious ng Diocese of San Pablo, ang deklarasyon ng Hubilehiyo para sa mga relihiyoso at relihiyosa ay bahagi ng lokal na pagdiriwang ng diyosesis ng ika-500 anibersaryo ng pagdating ng pananampalatayang Kristiyano sa Pilipinas.
Paliwanag ng Pari, isa rin itong paraan ng pasasalamat at pagbibigay ng naaangkop na pagkilala sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga religiyoso at relihiyosa sa pagpapalago ng pananampalataya sa diyosesis.
“Tunay na napakalaki at hindi maipagkakaila ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga relihiyoso at relihiyosa para sa pagpapalago at sa buhay ng ating Diyosesis kung kaya sa lokal na pagdiriwang ng 500 years of Christianity sa ating diyosesis ang buwan ng Hunyo ay itinalaga bilang Hubilehiyo para sa mga relihiyoso at relihiyosa, nagtalaga ng kanilang sarili sa pagliingkod sa Simbahan o Jubilee Month for Religious Men and Women.” pahayag ni Fr. Ric Basquiñez
Kabilang sa mga nakahanay na gawain ay ang nakatakdang Online Symposium na dadaluhan ng mga relihiyo at relihiyosa sa ika-12 ng Hunyo kasabay ng paggunita sa Kalinis-linisang Puso ni Maria mula alas-nuebe ng umaga hanggang alas-dose ng tanghali.
Ayon kay Fr. Basquiñez “tatalakayin sa symposium ang naging kontribusyon ng iba’t ibang mga kongregasyon sa nakaraan, kasalukuyan at ang mga hamon sa pagmimisyon sa hinaharap” ng Diyosesis ng San Pablo.
Tampok rin sa nasabing gawain ang mga relihiyoso at relihiyosa na naging bahagi ng diyosesis noon, na ngayon ay kabilang sa mga inilalakad na mapasama sa hanay ng mga Banal.
Magsisilbibilbi naman rurok ng hubelihiyo sa buwan ng Hunyo ang pagdiriwang ng Banal na Misa sa Ikalalago ng Bokasyon na pamumunuan ni San Pablo Bishop Buenaventura Famadico na nakatakda sa ika-30 ng Hunyo sa Cathedral Parish of St. Paul the First Hermit sa ganap na alas-nuebe ng umaga.
Pagbabahagi ni Fr. Basquiñez, dadaluhan ang nasabing Banal na Misa sa Ikalalago ng Bokasyon ng “isang kinatawan ng bawat Kongregasyon na bumubuo sa Association of Religious in Laguna (ARELA), pagkatapos ng misa magkakaroon ng Colloquium at talakayan ang mga kinatawan sa ating mahal na Obispo.”
Bukod sa nasabing gawain itatampok rin sa official Facebook page ng diyosesis sa buong buwan ng Hunyo ang mga promotional video ng bawat kongregasyon upang kilalanin ang mga ito at ang kanilang misyon bilang katuwang ng diyosesis.
Ang mga nakahanay na gawain ay maaring masubaybayan sa pamamagitan ng online livestream sa official facebook page ng diyosesis para sa pagdiriwang ng ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas na ‘500 Years of Christianity – Diocese of San Pablo’.