211 total views
Mga Kapanalig, sa bisa ng Proclamation No. 1906 na inilabas noong 2009, ipinagdiriwang natin tuwing Oktubre ang National Indigenous Peoples Month, kasabay ng ika-24 taóng anibersaryo ng pagsasabatas sa Indigenous Peoples’ Rights Act (o IPRA). Sa kabila ng pagkakaroon natin ng batas na ito, nagpapatuloy pa rin ang pananamantala sa mga kapatid nating katutubo. Kaya naman napakahalagang itaas ang kamalayan ng publiko sa kalagayan at karapatan ng mga katutubo, lalo na ngayong may pandemya.
Sa kasalukuyang krisis pangkalusugan na kinakaharap ng buong mundo, isa ang sektor ng mga katutubo sa mga mas naging bulnerable o lantad sa COVID-19. Ayon sa TEBTEBBA, isang organisasyong nakatutok sa pananaliksik, edukasyon, at mga patakarang para sa mga katutubo, lubos ding naramdaman ng mga katutubo ang epekto ng COVID-19. Dahil ito sa kawalan ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo sa kanilang lugar katulad ng malinis na tubig, serbisyong pangkalusugan, sanitasyon, at iba pang pampublikong serbisyo ng gobyerno. Hindi rin sapat ang naipararating sa kanilang kaalaman tungkol sa virus at mga bakuna dahil karamihan ng nasa dyaryo, telebisyon, o social media ay hindi umaabot sa kanila. Madalas pa, ang mga impormasyong ito ay nasa wikang hindi sila bihasáng gamitin. Noon namang napakahigpit ng lockdown, naging limitado ang kanilang pagtatanim, pangangaso, at pagpapastol na mga pinagkukunan nila ng pagkain. Dahil din sa lockdown, nahirapan ang mga katutubong dalhin at ibenta ang kanilang mga produkto sa mga pamilihan kung saan sila kumukuha ng ikabubuhay para sa kanilang pamilya. Idagdag pa rito ang pagkaantala ng pormal na edukasyon dahil sa pagsasara ng mga eskwelahan. Dati nang maraming balakid sa pag-aaral ng mga kabataang katutubo, ngunit mas pinahirap ng bagong sistema ng edukasyon ngayon ang kalagayan ng mga katutubong nasa mga liblib na lugar na walang akses sa mga kinakailangang teknolohiya.
Maliban sa mga hamong dala ng pandemya, biktima ang mga katutubo ng sapilitang pagpapaalis dahil sa armed conflict o di kaya’y dahil sa mga proyektong pangkaunlaran ng malalaking korporasyong kumakamkam sa kanilang ancestral lands. Dahil naman sa pagkasira ng kalikasang pinagkukunan ng kanilang kabuhayan, marami sa mga katutubo ang kapos at nakararanas ng gutom. Matagal nang biktima ng diskriminasyon, karahasan, at pananamantala ang mga kababayan nating katutubo. Biktima rin sila ng walang humpay na militarisasyon at red-tagging. Kabilang din sila sa mga environmental defenders o mga tagapagtanggol ng kalikasan na pinapatay.
Isa sa matitingkad na prinsipyo ng panlipunang turo ng Simbahan ang tinatawag nating common good, kung saan mas ganap at mas madaling nakakamtan ng bawat tao ang mga yaman at oportunidad na mayroon ang isang lipunan upang mapabuti ang kanilang kalagayan o kalidad ng pamumuhay. Para sa Simbahan, ang mundo ay kaloob ng Diyos sa sangkatauhan upang magamit ng lahat nang walang sinumang isinasantabi o kinikilingan. Nakaugat ito sa taglay na dignidad ng isang tao. Iba man ang kanilang kultura’t pananampalataya sa nakararami, sila ay kawangis ng Diyos. Dahil dito, marami pang kailangang gawin upang tunay na maisabuhay ang paalala sa Kawikaan 31:8 na ipagtanggol ang karapatan ng mga mahihirap at nangangailangan.
Mga Kapanalig, higit pa sa pagdiriwang ng kanilang kultura, wika, tradisyon, pamana, at pagkakakilanlan, iniaalay ang buong buwan ng Oktubre para sa mga katutubo bilang paalala sa lahat na tumindig kasama nila laban sa pang-aabuso, diskriminasyon, at paglabag sa kanilang mga karapatan at dignidad. Kasabay ng pag-alala at pagpapahalaga sa mga natatangi nilang kontribusyon sa ating kultura, tradisyon, at kasaysayan, dapat ding ipagpatuloy ang mariing pagtutol sa red-tagging, development aggression, at pagpatay sa kanilang komunidad, sa mga pagkakataong ipinagtatanggol nila ang kanilang lupang-ninuno at ang kalikasan. Nawa’y hindi matapos sa buwang ito ang pagkilala natin sa mga kapatid nating katutubo.
Sumainyo ang katotohanan.