323 total views
Tiniyak ng Kanyang Kabanalan Francisco ang panalangin para sa lahat ng mga yumao at pagiging kaisa sa mga pamilyang dumadalaw sa mga puntod.
Ito ang mensahe na ibinahagi ni Pope Francis sa Angelus sa St. Peters Square sa Vatican nitong All Saints Day.
Dinalaw ng Santo Papa ang French Military Cemetery sa Roma kung saan nag-alay ito ng panalangin at pagbabasbas sa mga puntod.
“It will be an opportunity to pray for the eternal repose of all the deceased, especially for the victims of war and violence. In visiting this cemetery, I join spiritually with all those who during these days go to pray at the tombs of their loved ones, in every part of the world,” bahagi ng pahayag ni Pope Francis.
Sa Pilipinas naglunsad ang media office ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ng ‘Undas Online’ para tulungan ang mamamayan na hindi makadadalaw sa mga sementeryo makaraang ipag-utos ng pamahalaan ang pagsara sa ikalawang pagkakataon upang maiwasan ang pagdagsa ng mamamayan na pinangangambahang maging super spreader ng COVID-19.
Hinimok din ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang bawat pamilya na magbuklod sa pananalangin para sa mga yumaong mahal sa buhay at dumalo ng banal na misa sa mga simbahan sa halip na dumalaw sa mga puntod.
Kaisa rin ang Radio Veritas sa paghahatid ng serbisyo sa mamamayan ngayong sarado ang mga sementeryo sa bansa para sa pag-alay ng panalangin sa mga yumao.
Itinalaga ng himpilan ang buong buwan ng Nobyembre para sa paggunita ng mga pumanaw sa pamamagitan ng ‘Pag-alalla, Pagkilala at Panalangin’ kung saan maaring magpamisa at magkaroon ng E-Masscards para sa namayapang mahal sa buhay.
Maaaring makipag-ugnayan kay Renee Jose ng Religious Department sa telepono (02) 9825-7931 hanggang 39 local 129 o sa cellphone 0917-631-4589 para sa karagdagang detalye.
Kaugnay dito pinalawig ng Vatican ang plenary indulgence na matatanggap ng mananampalataya sa pagbisita sa mga yumao gayong maraming lugar sa mundo kabilang na ang Pilipinas na restricted ang pagpunta sa mga sementeryo.