375 total views
Mga Kapanalig, taun-taon kapag sumasapit ang ika-15 ng Abril, nababahala ang marami at nagkukumahog sa paghahabol sa deadline ng filing ng income tax return o ITR. Sa maraming obligasyon ng isang mamamayan, ang pagbabayad ng buwis ay madalas ituring na isang pabigat. Dahil dito, ngayong panahon ng kampanya para sa halalan sa Mayo, may mga pulitikong nangangakong pagagaanin daw ang halagang kukubrahin sa mga may mababang kita. Marami rin tayong mga kababayang naging ugali na ang umiwas sa pagganap ng tungkuling ito—tax evasion kung tawagin—o kaya naman ay ‘di nagbabayad ng tamang halaga ng buwis—tax avoidance naman ito.
May sinasabi ba ang Catholic social teaching ukol sa pagbabayad ng buwis? Mayroon, mga Kapanalig. Tinuturo ng ating Simbahan na ang pagbabayad ng buwis ay bahagi ng panunustos pampubliko o public financing na maaring maging instrumento ng kaunlaran at pagmamalasakit. Kung kaunti nga naman ang nagbabayad ng buwis, o kaya’y maliit na halaga ang nalilikom ng pamahalaan mula sa buwis, paano nito matutustusan ang maraming mahahalagang serbisyong pampubliko? Nariyan ang mga paaralan, suweldo ng mga guro at mga empleyado ng gobyerno, mga pagamutang pampubliko, mga gamot na dapat ilagay sa mga health centers, mga kalsada, tulay, irigasyon, paliparan, pati na rin ang pagbibigay ng relief kapag may kalamidad, o paglilikas ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa kung may gulo roon. Lahat ito ay inaasahan ng mga tao mula sa gobyerno, at ang lahat ng ito ay tinutustusan ng buwis. Ang mga pulitiko ay abot-abot ang pangangako na itutuloy o palalawakin ang programang 4Ps, mga libreng pag-aaral, at scholarship. Para magawa ang mga ito, kailangan ang buwis.
Mga Kapanalig, ang pampublikong paggastos ay malahaga sa anumang lipunan. Tungkulin din ng pamahalaan ang pangalagaan at isulong ang kagalingan ng pinakamahihina sa lipunan. Subalit matitiyak na ang pampublikong paggastos ay naaayon sa kabutihan ng pangkalahatan kung matutupad ang tatlong pamantayan. Una, ang mga mamamayan ay nagbabayad ng buwis bilang bahagi ng kanilang tungkuling makipagkaisa at magmalasakit sa iba, lalo na sa mahihirap. Mahalagang sa ating pagbabayad ng buwis ay ating isinasaisip at isinasaloob ang kagustuhang mapabuti ang kalagayan ng ating kapwa.
Ikalawa, kailangan maging makatwiran at makatarungan ang pagpapataw ng buwis. Ang tumatanggap ng mas malaking kita ay kailangang magbayad din ng mas malaking buwis. Ang mga naglalakihang mga negosyong may malalaking kita o tubo ay dapat magbayad ng mas malaking porsyento ng kanilang kinikita para sa buwis.
Ikatlo, integridad sa paggastos at pamamahagi ng mga pondong pampubliko. Ang nalikom na pera mula sa buwis ay dapat ginagamit sa paraang makabubuti sa marami, lalo na sa mahihirap, at ito ay dapat naipapanagot sa bayan. Kailangan ay makatarungan ang pagpapamahagi ng pondo; ang higit na nangangailangan ay dapat mabigyan ng mas malaking bahagi.
Mga Kapanalig, sapagkat ganito ang mga panuntunan ng turo ng ating Simbahan ukol sa buwis, unang-una ay siyasatin natin ang ating kalooban at pukawin doon ang malasakit sa kapwa upang makapagpasya tayong ibahagi ang ating kita para sa kagalingan ng iba, sa pamamagitan ng pagbabayad ng tamang buwis. Ikalawa, suriin nating mabuti at maging mapagbantay kung paano ginagastos ng pamahalaan ang yaman ng bayan. Sa halip na puro Facebook ang ating tinitingnan, buksan natin ang website ng DBM at iba pang mga ahensiyang gobyerno kung saan natin mahahanap kung saan napupunta ang pera ng gobyerno at magkano ang halaga ng iba’t ibang proyekto. Ikatlo, tanungin natin ang mga kandidato kung anong mga pagkakagastusan ang prayoridad nila, at suriin natin kung makatarungan ba ang mga prayoridad na ito. Higit sa lahat, mga Kapanalig, piliin natin ang mga pinunong hindi nagnanakaw ng pera ng bayan.
Sumainyo ang katotohanan.