62,945 total views
Mga Kapanalig, nag-viral ang PWD ramp sa isang istasyon ng EDSA Busway sa Quezon City. Sa inauguration na ginawa ng Department of Transportation at Metropolitan Manila Development Authority (o MMDA), maraming nakapansing tila masyadong matarik at madulas ang bagong rampa para mga persons with disability (o PWD).
Batay sa Batas Pambansa (o BP) 344 o Accessibility Law, hindi tataas sa 4.8 degrees o 1:12 ang slope ng PWD-accessible ramp. Ibig sabihin, sa bawat isang metrong rise o pag-akyat, hindi dapat bababa sa labindalawang metro ang run o haba ng rampa. Ayon kay Architect Armand Eustaquio, na isa sa mga nagbalangkas ng Implementing Rules and Regulations ng BP 344, ang nag-viral na rampa ay may anggulong higit sa 14 degrees o slope na 1:4. Tatlong beses na mas matarik ito kaysa sa pamantayan. Dagdag pa ni Architect Eustaquio, layunin ng BP 344 na magbigay-daan sa independent mobility at empowerment ng mga PWD, at hindi ito nakamit ng mga nasa likod ng pagtatayo ng nasabing rampa.
Ayon naman sa wheelchair user na si Nelson Belo ng Life Haven, isang non-profit organization ng mga PWD, hindi niya magagamit ang rampa dahil masyadong matarik at delikado ito. Mahirap din itong gamitin kahit na may umaalalay sa wheelchair user. Panawagan niya sa gobyerno, kung magtatayo ito ng mga PWD ramp, konsultahin dapat ang mga may kapansanang gagamit ng mga ito.
Paliwanag ng MMDA, sinusunod lamang nila ang height restriction ng MRT. Hindi man daw ito ang “perpektong disenyo,… malaking tulong pa rin ito” sa mga senior citizens, buntis, at ibang mga PWD na hindi naka-wheelchair. Magtatalaga rin ito ng mga tauhang aalalay sa mga PWD na mahihirapang gumamit ng rampa. Iginiit naman ni MMDA Chairman Romando Artes na hindi mali ang disenyo; iyon lang daw talaga ang magagawa sa limitadong espasyo. Giit niya, hindi naman daw ito masyadong matarik. Gayunpaman, may kinausap na ang MMDA na architectural firm na magsusuri sa rampa at magmumungkahi kung paano gawing mas accessible ito. Gagawin daw muna ang improvements bago buksan ang rampa sa publiko.
Hindi na bago ang ganitong kapalpakan sa ating mga pasilidad pagdating sa accessibility para sa mga kapatid nating PWD. Marami sa PWD ang hindi gaanong lumalabas ng bahay o nililimitahan nila ang pag-commute dahil sa mga imprastrakturang hindi isinasaalang-alang ang kanilang mga pangangailangan. Pahayag nga ni Senador Grace Poe, imbis na makatulong sa mga PWD, “magiging buwis-buhay pa” ang paggamit ng mga pasilidad na itinatayo ng gobyerno. Taliwas sa sinabi ni MMDA Chairman Artes, mali ang ginawa nilang rampa. Labag ito sa batas at inilalagay nito sa peligro ang mga PWD. Sinasayang ang pera ng taumbayan sa mga palpak na proyektong para sana sa mga nangangailangan habang milyun-milyong piso ang ginagastos para sa magarbong SONA o bilyun-bilyong piso naman para sa kontrobersyal na bagong gusali ng Senado. Sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti, sinabi ni Pope Francis na ang pag-aalala natin sa mga may kapansanan ay hindi tumitigil sa pangangalaga sa kanila. Kailangan ding mabigyan sila ng boses at matiyak ang kanilang aktibong pakikilahok sa lipunan.
Mga Kapanalig, ang sistema ng transportasyon na accessible para sa mga PWD ay accessible para sa lahat. Ito ang kabutihang panlahat o common good. Malinaw dapat sa mga lingkod-bayan ang kanilang responsabilidad sa taumbayan. Mahalagang isulong din natin ang kulturang mapagmalasakit, mapagmahal, at hindi nagsasantabi sa mga batayang sektor katulad ng mga PWD. Tanggalin natin ang mga hadlang sa Malaya at maginhawang pagkilos ng mga PWD. Katulad ng wika sa Levitico 19:14, huwag tayong maglalagay ng balakid sa daraanan ng mga kapatid nating may kapansanan.
Sumainyo ang katotohanan.