178 total views
Tulungan ang mamamayan sa paghahanapbuhay.
Ito ang layunin ng Caritas Margins, isa sa mga programa ng Caritas Manila, social action arm ng Archdiocese ng Manila upang matugunan ang pangangailangan ng mga maliliit na negosyante sa bansa.
Ayon kay Rev. Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas, mahalagang suportahan ang mamamayan para maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng mga bilihin.
“Nawa matulungan natin sila [small-medium enterprise] na lumaki ang kanilang income at makalaya sa kahirapan.” bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng pari na bagamat lahat ng mamamayan ay apektado ng Tax Reform for Accelaration and Inclusion (TRAIN) law dapat patuloy ang lahat sa pagkilos at palalakasin ang pagnenegosyo kahit sa maliliit na pamamaraan.
Inihalimbawa ni Father Anton ang pagbukas ng Buy and Give Trade Fair ng Caritas Margins sa Trinoma Mall Activity Center kung saan mahigit sa isanglibong mga produktong pagkain at kagamitan ang mabibili.
Dahil dito inaanyayahan ni Fr. Pascual ang mamamayan na bisitahin at tangkilikin ang mga produktong ibinebenta ng Caritas Margins.
Magtatagal ang Buy and Give Expo mula ika – 26 hanggang ika – 28 ng Setyembre kung saan tuwing alas singko ng hapon ay magsasagawa ng Banal na Misa bilang pasasalamat sa pagkakataon.
OPORTUNIDAD SA MAHIHIRAP
Kinilala naman ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang pagsusumikap ng Caritas Manila na tulungan ang mamamayan lalo na ang mga mahihirap.
Ikinatuwa ng bise alkalde ang pagdaos ng trade fair sa Quezon City dahil tugma ang layunin ng Caritas Manila sa mga adbokasiyang isinusulong nito para sa mga residente ng Quezon City, ang iangat mula sa kahirapan ang mga nasasakupan.
“Kung magbigay lang tayo ng pagkakataon sa atin pong mamamayan na nagmumula sa mahihirap na mga sektor ay kayang kaya naman nilang iangat ang kanilang pamumuhay basta’t nandiyan ang oportunidad at yan ang trabaho ng Caritas Manila ang magbigay ng oportunidad sa mga marginalized sectors ng ating lipunan.” pahayag ni Vice Mayor Belmonte sa panayam ng Radio Veritas.
Tiniyak ni Vice Mayor Belmonte na patuloy itong susuporta sa mga programa ng Caritas Manila at Simbahang Katolika.
Bukod sa mga maliliit na negosyanteng natutulungan, popondohan din ng Caritas Manila ang rehabilitasyon sa mga nasirang bahay na sinalanta ng bagyong Ompong sa Hilagang Luzon at ang scholarship program ng Caritas Manila na Youth Servant Leadership Program na may higit 5, 000 iskolar sa buong bansa.
Patunay ito sa konkretong hakbang ng Simbahan sa pag abot sa mga nangangailangan ss lipunan lalo na ang mahihirap na sektor.