209 total views
Tiniyak ni Labor Secretary Silvestre Bello III na maayos ang kalusugan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay kaugnay na rin sa mga paratang na mahinang kalusugan ng Pangulo at panawagang dapat na itong ipaalam sa publiko.
Giit ni Bello, nakadalo pa ang Pangulo sa pagbibigay pugay sa mga sundalo sa Sulu sa Mindanao at bumalik pa-Maynila para sa pagdiriwang ng National Heroes Day.
“Kung mahina-hina ang katawan mo ay hindi mo magagawa ang katulad ng ginagawa ng Pangulo,” ayon kay Bello.
Una na ring inihayag kamakailan ni CPP-NPA founder Jose Maria Sison na nasa ‘coma state’ ang pangulong Dutere at ang hamon nito na ipahayag sa publiko ang tunay na kalagayan ng kaniyang kalusugan.
Usapang pangkapayapaan, magpapatuloy
Kumpiyansa naman si Bello na hindi maapektuhan sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan ang palitan ng sagutan ng Pangulo at ni Sison.
Giit ni Bello na siya ring Presidential Adviser on the Peace Process at GRP panel chairperson na sa kabila ng batikusan ng magkabilang panig ay umaasa pa rin siyang magpapatuloy ang pag-uusap sa pagitan ng pamahalaan at mga rebelde.
“Hindi ako naggi-give up. Pero ang peace talk isang proseso lang ito. Hindi makakamit ang kapayapaan sa pamamagitan lang ng paglalagda ng peace agreement. Kasi ang mahalaga sa peace process ‘yung ‘strategic value’ ng peace process na habang nag-uusap kami kahit urong-sulong, ang pinag-uusapan tinatalakay namin dyan ang sanhi ng kaguluhan bakit nag-aaway tayong mga Filipino,” paliwanag ni Bello.
Sa pamamagitan ayon kay Bello ay matatalakay ang solusyon sa mga dahilan ng pag-aaway na maaring tugunan.
Ayon pa sa kalihim hindi na mahalaga kung patuloy na tumatagal ang pag-uusap dahil higit na mahalaga ay may puwang pa rin sa dayalogo ang magkabilang panig.
Base sa tala, tinatayang may 5,000 mga miyembro ng NPA sa buong bansa.
Sa mensahe ng Santo Papa Francisco, ang bawat suliranin ay tuwinang mareresolba sa pamamagitan ng pag-uusap at hangarin na pagkakasundo ng magkabilang panig.
Giit ng Santo Papa hindi kailanman solusyon ang digmaan sa hindi pagkakaunawaan lalu’t magreresulta ito pagkasira ng lipunan.