1,343 total views
Inaanyayahan ng Nuestra Señora de la Soledad de Manila Parish na kilala rin bilang Camba Church ang mananampalataya na makiisa sa pagbukas ng nobenaryo sa ika-14 na anibersaryo ng pagkakatag ng parokya.
Ayon kay Fr. Douglas Badong ang Parish Priest ng Camba Church, itatampok ngayong taon ang higit na pagkilala sa pinagmulan ng debosyon ng Nuestra Señora de la Soledad na bahagi ng kasaysayan ng bansa.
Ibinahagi ng pari na isasagawa ang unang misa nobenaryo sa July 7 sa loob ng Fort Santiago sa Intramuros kung saan nakalagay ang tanda ng ‘Postigo de Nuestra Señora de Soledad’.
“May marker doon sa loob ng Fort Santiago na Nuestra Senora dela Soledad, dito yung lagusan noong unang panahon; daungan at transportasyon,” bahagi ng pahayag ni Fr. Badong.
Ang makasaysayang centuries-old image at debosyon ng Mahal na Birhen ay naging daan upang mapalapit ang tao sa Panginoon dahil sa kaginhawaang nararamdaman sa tuwing nahaharap sa anumang pagsubok at suliranin sa buhay.
Nakabihis ang Virgen dela Soledad ng ‘Vestida de Luto’ na karaniwang isinusuot ng mga nagluluksang kababaihang Espanyol upang ipakita ang hapis ng Mahal na Ina sa pagkamatay ni Hesus sa Krus.
Batay sa kasaysayan 1884 nang p dalhin ng mga dayuhan ang imahe sa Acapulco Galleon Trade habang itinayo ang kapilya sa Barrio Soledad noong 1887.
April 30, 1911 nang pormal na ibinigay sa Archdiocese of Manila ang lupa na kinatatayuan ng simbahan hanggang 1928 nang magkaroon ng misa tuwing Linggo sa pangangasiwa ni Msgr. Jose Jovellenos ng Santo Nino de Tondo Parish.
Makalipas ang ilang dekada July 16, 2009 nang gawing parokya ni dating Manila Archbishop Cardinal Gaudencio Rosales ang simbahan kung saan nangyari ang Canonical Erection noong August 31 ng parehong taon.
Taong 2016 nang pormal na itinalaga ang dambana ng parokya sa pangunguna ni noo’y Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle habang sa ika 130 anibersaryo noong July 4, 2017 ng pagkatatag ng simbahan ay ginawaran ng Episcopal Coronation ang Nuestra Senora dela Soledad.
Ayon pa kay Fr. Badong, kasunod ng misa sa Fort Santiago ang prusisyon o Traslacion ng Birhen ng Soledad patungo sa dambana sa Camba Manila.