936 total views
Ito ay dahil ang pangulong Rodrigo Duterte ay isang joke.
Sinabi ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani na hindi na pinaniniwalaan ang pangulong Duterte sa mga pahayag nito maging ng mga nakakilala sa kanya.
Bukod sa battle cry na ihinto ang kalakaran ng iligal na droga sa bansa naging pangako din ng pangulo na lansagin ang talamak na corruption sa lahat ng sangay ng pamahalaan.
Unang nabunyag ang malawakang katiwalian ng mismong mga fraternity brother ng pangulong Duterte sa Bureau of Immigration.
Nabunyag din ang matinding corruption sa Bureau of Customs at Department of Tourism gayundin ang “tara system” sa National Food Authority.
Ayon kay Bishop Bacani, ang laganap na katiwalian sa administrasyong Duterte ay patunay na isang joke lamang ang kampanya ng pangulo kontra katiwalian.
Ayon kay Bishop Bacani, anong klaseng Presidente ang madalas hindi dapat seryosohin at kailan seryosohin.
Ang pahayag ni Bishop Bacani ay kaugnay sa naging pag-amin ng Pangulong Duterte na ang kanyang naging kasalanan ay extra judicial killings na agad nilinaw ng Presidential spokesman na isang joke lamang.
“Kayo na ang humatol. Anong klaseng presidente ang madalas di dapat seryosohin? Kailan seseryosohin? Kaya siguro pati ang campaign against corruption nagiging kaatatawanan. Di sineseryoso ng mga nakakakilala kay presidente.”pahayag ni Bishop Bacani
Kilala ang pangulong Duterte sa mga paulit-ulit na rape jokes.
Dapat pa bang paniwalaan ang Pangulong Duterte?
Pinayuhan ni Bishop Bacani ang mga Filipino na gumising, mag-isip, matutong kumilatis at magsalita sa mga hindi kaaya-ayang jokes ng Pangulong Duterte.
Hinimok din ng Obispo ang mamamayan na kumilos ng sama-sama para labanan ang katiwalian sa pamahalaan.
Hinikayat ng Obispo ang taumbayan na ipagdasal ang pangulong Duterte at mga opisyal ng gobyerno na pagsilbihan ang interes ng mamamayan.