4,466 total views
Mga Kapanalig, narinig na ba ninyo ang tinatawag na “cancel culture”?
Ang cancel culture ay tumutukoy sa pagpuna sa mga prominenteng personalidad—katulad ng mga artista at sikat na public figures—na nagbibitiw ng mga salita o gumagawa ng mga bagay na nakasasakit o nakagagalit. At bilang parang ganti, kina-cancel sila ng publiko. Hinihikayat nila ang pagbawi ng mga tagahanga ng kanilang suporta sa nasabing mga personalidad o kaya naman ay pag-boycott sa kanilang mga iniiendorso o palabas, hanggang sa mabawasan at manamlay ang kanilang kasikatan. Ang pag-cancel ay itinuturing na pagpapanagot sa mga taong hindi ginagamit sa tama o positibong paraan ang kanilang impluwensya. Isa raw itong hakbang tungo sa sama-samang paghingi ng katarungan para sa mga tao at pamayanang nasasaktan o napapahamak ng mga salita at gawa ng mga kina-cancel.
Nitong mga nakalipas na araw, may ilang sikat na personalidad ang pinukol ng mga tawag na i-cancel dahil sa kanilang pagsuporta sa mga kandidatong nasangkot sa katiwalian at pagnanakaw, sumusuporta sa mga hindi makataong patakaran, o lantarang binabaluktot ang katotohanan at kasaysayan. At gaya ng inaasahan, naging mainit na usapan ito, lalo na sa social media. Iginigiit ng mga pumupunang netizens na ang pagpanig sa kandidatong ilang beses nang nagsisinungaling, hindi nagbayad ng tamang buwis, at binabalewala ang mga biktima ng diktadura ay pagtataksil sa publikong nagpapasikat sa mga prominenteng personalidad. Ipinagtanggol naman ang mga ipinapa-cancel ng mga tagasuporta ng mga kandidatong kanilang inendorso; bakit hindi na lang daw igalang ang karapatan at kalayaan ng mga artistang piliin ang mga gusto nilang kandidato.
Hindi natin alam kung gaano kaepektibo ang pagka-cancel upang maitama ang maling ginawa ng mga kina-cancel ng publiko. Maaaring mabawasan sila ng mga tagahanga o mabahiran ang kanilang kasikatan, ngunit maaari din namang makakuha sila ng simpatya mula sa iba. Hindi rin natin alam kung tunay nga bang napapangalagaan ng ganitong pamamaraan ng pagpapanagot ang mga pinapahalagahan natin bilang isang bayan katulad ng pagkilala sa katotohanan at pagkakaroon ng matuwid na pamamahala. Maaaring makapagpalakas ng loob sa publiko ang ganitong pagpuna sa mga maimpluwensya, ngunit hindi malayong kalaunan ay maglaho ang interes ng tao sa mga malalaking isyu at babalik din tayo sa dati.
Sa tulong ng teknolohiya, tunay na napakadali na ngayong magbahagi ng ating mga ideya, opinyon, at kuru-kuro sa halos lahat ng bagay—mula sa mga seryosong isyu sa lipunan hanggang sa mga ordinaryong pangyayari sa ating paligid. Masasabi rin nating pinabilis ng teknolohiya ang pag-usbong ng cancel culture. Ngunit ipinapaalala ni Pope Francis na kailangang maging maingat na ang pakikilahok sa cancel culture ay hindi mauwi sa pagbura sa pagkakakilanlan o identity ng bawat isa sa atin. Nababahala siyang ang ganitong kultura ay mauwi sa pagpapatahimik sa ating kapwa at pagsasara sa pagkakataong unawain ang isa’t isa. Hindi niya sinasabing huwag nating punahin at huwag tulungang maliwanagan ang mga kumikiling sa mga mali at nakasasakit na salita at gawain ng iba. Kung uunawain natin ang kanyang paalala sa tema ng kanyang pagpapastol sa ating Simbahan, ang isinusulong ng Santo Papa ay ang isang kulturang marunong makinig at kumilatis ngunit nag-iiwan ng puwang upang magkasundong ituwid ang dapat ituwid at itama ang dapat itama.
Mga Kapanalig, wika nga sa Efeso 5:11-13, “Huwag kayong makibahagi sa mga gawain ng kadiliman na walang ibinubungang mabuti. Sa halip ay ibunyag ninyo ang mga iyon.” Itama natin ang mali at ipagtanggol ang katarungan sa ating bayan, ngunit huwag nating hayaang iwan tayo nitong mabilis na humusga at magtanim ng sama ng loob sa ating kapwa. Palaganapin natin ang kulturang ang tunay na kinakansela ay ang kasinungalingan, kasamaan, at kawalang katarungan.
Sumainyo ang katotohanan.