2,519 total views
Pinangunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang banal na Misa para sa pagsisimula ng ikalawang araw ng 29th Canon Law Society of the Philippines (CLSP) National Convention sa San Rafael, Bulacan.
Sa pagninilay ni Archbishop Brown, hinamon nito ang mga pari at layko na pawang Canon Lawyers na maging kasangkapan sa pagpapalaganap at pagpapaunawa ng Canon Law sa mga mananampalataya, at maging gabay sa pamamahala ng Simbahang Katolika.
“I challenged you to think about your work as canonists in terms of evangelization, in terms of proclamation, in terms of ‘praedicate evangelium’, or preaching the gospel in your own way… Your job as canon lawyers is to invoke and use God’s justice, to be part of His process of healing humanity, and to cooperate in God’s work of redemption and restoration,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Brown.
Nagagalak din ang Arsobispo dahil sa muling pagkakatipon ng mga Canon lawyer na nagpapakita ng pagsisikap na magampanan ang tungkulin at higit na maunawaan ang mga batas na pinapairal at sinusunod ng simbahan.
Katuwang ni Archbishop Brown sa Misa sina Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Canon Law chairman, Antipolo Auxilliary Bishop Nolly Buco; Malolos Bishop Dennis Villarojo; at Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias.
Samantala, hinimok ni Bishop Villarojo na ipanalangin ang mga Canon lawyers upang higit na mapalalim ang kaalaman at maunawaan ang mga batas na umiiral at nangangalaga sa Simbahang Katolika.
Ayon sa Obispo, mahalagang lubos na maunawaan ang mga batas ng simbahan na magagamit sa pagtugon sa suliraning legal ng mga mananampalataya.
Tinukoy ng Obispo ang kahalagahan ng Canon law lalo na sa mga mag-asawang nakakaranas ng suliranin at nangangailangan ng paggabay ng simbahan upang matugunan ang pinagdaraanang pagsubok.
“Let us pray for all the delegates that they may deepen their knowledge of church laws and may apply this knowledge for the good of the communities that they serve—the dioceses and archdioceses in the Philippines… It orders the way we do things in the church for the benefit of everybody and for the greater glory of God,” pahayag ni Bishop Villarojo sa panayam ng Radio Veritas.
Ang 29th CLSP National Convention ay pinangunahan ng Diocese of Malolos at nagsimula noong Pebrero 27, 2023 sa pamamagitan ng banal na Misa sa St. Augustine Parish, Baliuag, Bulacan sa pangunguna ni Bishop Villarojo.
Dinaluhan ito ng mga delegado mula sa iba’t ibang arkidiyosesis at diyosesis sa Pilipinas upang bigyang-pansin ang mga pagrerepaso sa Code of Canon Law na mahalagang salik sa pamamahalang temporal at pastoral sa Simbahang Katolika.
Tema ng national convention ang Sanctions in the Church: The Recent Reform of Book VI of the 1983 Code of Canon Law, at may sub-theme na From Pastor Bonus (1988) to Praedicate Evangelium (2022): The Shepherd’s Heart of Pope Francis and the Reorganization of the Roman Curia.
Magtatagal naman ang pambansang pagtitipon hanggang Marso 02, 2023.