13,998 total views
Itinakda ng Diocese of Tarlac sa March 27, 2025 ang pagluluklok kay Bishop Roberto Mallari bilang ikaapat na obispo ng diyosesis.
Pangungunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang canonical installation ng obispo sa alas nuwebe ng umaga sa San Sebastian Cathedral sa Tarlac City.
Itinaon ang installation ni Bishop designate Mallari sa kanyang ika – 66 na kaarawan at ika – 19 na anibersaryo ng pagiging obispo.
Lubos naman ang pasasalamat ng Diocese of San Jose, Nueva Ecija sa obispo na pinamahalaan ng 12 taon mula July 2012 kasabay ng kahilingang patuloy ipanalangin ang misyon ni Bishop Mallari sa pagpapastol mahigit isang milyong kawan ng Tarlac.
“As he embarks on this new chapter, we send him off with our love and prayers. May the Lord continue to guide him in his service to the Church,” bahagi ng pahayag ng Diocese of San Jose.
Matatandaang December 29, 2024 nang italaga ni Pope Francis si Bishop Mallari bilang kahaliling obispo kay Bishop Enrique Macaraeg na pumanaw noong October 2023.
Ang obispo ay tubong Masantol Pampanga at nagtapos sa San Carlos Seminary sa Makati City, sumailalim din sa formation program sa spirituality ng Focolare Movement sa Priests’ School for Asia at School of Priests sa Florence, Italy.
Inordinahang pari ng Archdiocese of San Fernando, Pampanga noong November 27, 1982 at naging katuwang na obispo ng arkidiyosesis noong 2006.