427 total views
Kinilala ng arsobispo ng Maynila ang pangangailangan ng mananampalataya na simbahang kumikilos at nagsasabuhay sa mga Salita ng Diyos.
Ayon kay Cardinal Jose Advincula hindi sapat sa mamamayan ang pangangaral ng mga pastol sa simbahan kundi tinitingnan din ang kakayahang isabuhay ang mga itinuturo.
Batid ng arsobispo na marami ang nananamlay ang pananampalataya at tinalikuran ang simbahan dahil sa kakulangang maramdaman ang paglingap lalo na sa higit nangangailangan.
“People today are no longer satisfied with words alone. We want to hear words backed up by concrete actions. We want a Church that walks the talk and puts into action what we preach,” saad ni Cardinal Advincula.
Binigyang diin ni Cardinal Advincula na sinisikap ng simbahang itaguyod at isabuhay ang bawat turo ng Panginoon at maging magandang ehemplo sa pamayanan.
“Not a few have drifted away from the Church becuase they felt that the so-called reigious people are nothing but a collection of hypocrites and posers,” dagdag ng arsobispo.
Hamon ng cardinal lalo na noong World Mission Sunday na paigtingin ang pagpapalawak ng misyon ng simbahang abutin ang bawat mananampalataya kabilang na ang ‘unchurched people’ at ipadama ang diwa ng pag-ibig ni Kristo.
Sa kasalukuyan tinatalakay din sa pagtitipon ng Federation of Asian Bishops Conferences sa Thailand ang resulta ng synodal consultations sa Asya upang alamin ang kalagayan ng mga simbahan ng bawat bansa.
Sa Pilipinas bagamat mayorya o higit sa 80 milyon ang mga katoliko ay naitala naman ang 41 porsyento lamang ang aktibong nakikilahok sa mga religious gatherings lalo na sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya tuwing Linggo.
Naunang naglabas ng circular ang CBCP na naghihikayat sa mamamayang personal na dumalo sa Banal na Misa sa mga simbahan kasabay ng pagluwag ng mga panuntunan ng bansa sa COVID-19 pandemic.