368 total views
Isang biyaya ng Diyos para sa mananampalataya ng Arkidiyosesis ng Maynila si Cardinal Jose Advincula.
Ito ang mensahe ni Cardinal Luis Antonio Tagle, Prefect ng Congregation for the Evangelization of Peoples at dating arsobispo ng Maynila kay Cardinal Advincula na nakatakdang italaga sa Hunyo 24 bilang ika -33 arsobispo ng arkidiyosesis.
Payo ng opisyal ng Vatican kay Cardinal Advincula na manatiling tapat na pastol ng Panginoon na nakahandang maglingkod sa bayan ng Diyos.
“Cardinal Joe, don’t worry, you are God’s gift as you are and be who you are; ikaw ay tinawag ng Diyos para maglingkod at ikaw ang ibinigay sa napakabuhay na sambayanan ng Archdiocese of Manila,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Tagle.
Umaasa naman ang dating arsobispo na magkaisa ang mananampalataya sa pagtanggap ng bagong pinunong pastol ng arkidiyosesis at ipakita ang buhay na pananampalataya sa pamamagitan ng pagiging tapat na pagganap sa tungkulin bilang kristiyano at bahagi ng simbahan.
“Sana makita ni Cardinal Joe [Advincula] ang isang sambayanang buhay, isang tunay na bayan ng Diyos, katawan ni Kristo at templo ng Espiritu Santo upang maramdaman niya na marami siyang kasama at hindi siya maglalakad at magtatrabaho na mag-isa,” dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Hamon pa ni Cardinal Tagle sa mahigit tatlong milyong mananampalataya ng arkidiyosesis na seryosohin ang pakikinig sa Salita ng Diyos upang maisabuhay ito sa komunidad na kinabibilangan.
Sinabi pa nitong dapar seryosohin ang pananalangin at sakramento at higit sa lahat pagnilayan kung anong kaloob ang taglay ng bawat isa na maaring ibahagi sa kabuuang simbahang katolika.
Marso ng kasalukuyang taon nang italaga ni Pope Francis si Cardinal Advincula bilang kahalili ni Cardinal Tagle makaraang italaga ito sa Vatican.
Magiging katuwang ni Cardinal Advincula sa pangangasiwa sa 86 na mga parokya ng arkidiyosesis ang mahigit sa 600 mga pari at religious men and women.
Ang kabuuang pagdiriwang sa pagtatalaga ay matutunghayan sa social media pages ng The Manila Cathedral, TV Maria at Radyo Veritas Ph habang mapakikinggan din sa himpilan mula alas otso hanggang alas onse ng umaga.