323 total views
Hiniling ng arsobispo ng Arkidiyosesis ng Maynila sa mamamayan na patuloy ipanalangin ang kaligtasan ng bawat isa mula sa anumang banta ng karahasan sa lipunan.
Ayon kay Archbishop Jose Cardinal Advincula, mahalaga ring ipanalangin sa Diyos ang pagpapanibago ng mga indibidwal na nagpapalaganap ng kasamaan at kapahamakan ng kapwa. Ang mensahe ng Cardinal ay kaugnay sa ulat na pagpapadala ng sulat sa Kanyang Kabanalan Francisco na naglalaman ng tatlong bala ng baril.
“Ipanalangin natin na hipuin ng Diyos ang puso ng mga taong naghahasik ng takot, karahasan, kasinungalingan at lumalabag sa karapatang-pantao,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Batay sa ulat ng awtoridad ng Milan Italy, taglay ng envelope ang French stamp na naka-address sa “The Pope, Vatican City, St. Peter’s Square in Rome.
Taglay ng sulat ang tatlong bala ng 9mm na baril at mensahe kaugnay sa financial operations ng Vatican. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente kung saan isang hindi pinangalanang Fench national ang suspek. Hinimok naman ni Cardinal Advincula ang mananampalataya na ipanalangin ang kaligtasan ni Pope Francis sa gitna ng banta ng kanyang seguridad.
“Bagamat iniimbestigahan pa kung saan nanggaling at ano ang motibo ng envelope na may tatlong bala para kay Pope Francis, patuloy nating ipanalangin ang kanyang kaligtasan,” ani Cardinal Advincula.
Magugunitang May 13, 1981 nang barilin si Saint John Paul II sa St. Peter’s Square habang nagsagawa ng kanyang lingguhang general audience.
Nadakip ang suspek na si Mehmet Ali Agca isang Turkish national na gumamit din ng 9mm Browning automatic na uri ng baril.
Kaugnay dito, hiniling ng simbahan sa bawat isa na ipanalangin ang Santo Papa na namumuno sa mahigit isang bilyong katoliko sa buong daigdig gayundin ang mga pastol na nangangasiwa sa bawat simbahan sa buong mundo.
Patuloy na naninindigan ang simbahang katolika para sa pagkakaisa at kapayapaan ng buong pamayanan at iginiit na dapat iwaksi ang anumang uri ng karahasan.