333 total views
Humiling ng patuloy na panalangin si Archdiocese of Manila Archbishop – elect Jose Cardinal Advincula sa mananampalataya ng pagiging mabuting pastol sa kawan ng Diyos na itinalaga sa kanyang pangangalaga.
Ito’y kaugnay sa nakatakdang paggawad sa Cardinal ng ‘red hat o biretta’ sa Mayo 28, 2021.
Itinuring ni Cardinal Advincula na malaking hamon at responsibilidad ang pagkakatalagang Cardinal ng simbahan at pinunong pastol sa isa pinakamalaking arkidiyosesis sa bansa.
Gaganapin ang paggawad sa red hat at singsing ng Cardinal sa Immaculate Conception Metropolitan Cathedral sa Roxas City sa pangunguna ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown.
Sa pahayag ng arkidiyosesis limitado lamang sa 300 katao na binubuo ng mga kaanak, mga pari, kinatawan ng 67 parokya at mga obispo ng karatig lalawigan ang pinahintulutang makadalo sa pagtitipon alinsunod na rin sa community quarantine status ng lalawigan.
Sa kabila ng kahandaan, maaring makansela ang nakatakdang pagtanggap ni Cardinal Advincula ng red hat depende sa magiging travel restrictions kay Papal Nuncio Archbishop Brown.
Nabatid ng Radio Veritas na tatanggapin ni Archbishop Advincula ang “red hat” sa Manila Cathedral sakaling makansela ang kaganapan sa May 28, 2021.
Magugunitang Oktubre 2020 isa si Cardinal Advincula sa 13 Cardinal na hinirang ni Pope Francis.
Dahil sa mga travel restrictions dulot ng COVID 19 pandemic hindi nakadalo so Cardinal Advincula sa isinagawang consistory sa Roma na pinangunahan ng santo papa.
Si Cardinal Advincula ang ikasiyam na Cardinal ng Pilipinas kasunod nina Cardinal Orlando Quevedo, Luis Antonio Tagle, Gaudencio Rosales, Jose Sanchez, Ricardo Vidal, Jaime Sin, Julio Rosales at Rufino Santos.
Marso 2021 itinalaga ang arsobispo bilang ika – 33 pinuno ng Arkidiyosesis ng Maynila makaraang italaga ni Pope Francis si Cardinal Tagle bilang Prefect ng Congregation for the Evangelizations of Peoples sa Vatican.
Sa siyam na Cardinal ng Pilipinas bukod tanging si Cardinal Advincula at Cardinal Tagle na lamang ang kabilang sa Cardinal electors ng conclave.