363 total views
Kinilala ng Arsobispo ng Maynila ang tagumpay ni Hidilyn Diaz sa larangan ng weightlifting sa Tokyo Olympics 2020. Ayon kay Archbishop Jose Cardinal Advincula, malaking inspirasyon sa bawat Filipino ang panalo ni Diaz bilang kauna-unahang Filipino Gold Medalist sa Olympics sa halos 100-taong paglahok ng Pilipinas sa kompetisyon.
“Salamat, Hidilyn [Diaz], sa napakalaking karangalan na ibinigay mo sa ating bansa. Ang tagumpay mo ay nagbibigay ng liwanag, inspirasyon, at pag-asa sa aming lahat, lalo na sa mahirap na panahong ito,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Makasaysayan para sa bawat Filipino ang panalo ni Diaz lalo’t sa kabila ng iba’t ibang kinakaharap lalo na ng pandemya ay napagtagumpayan nito ang laban para makamit ang unang ginto sa palaro.
Matatandaang 2018 naging panauhin si Diaz sa ikalimang Philippine Conference on New Evangelization 5 (PCNE 5) sa ‘Listening Heart with Cardinal Luis Antonio Tagle’ kung saan inihatag nito na bahagi ng pagiging atleta ang madapa, matalo at masakta subalit binigyang diin ng atleta ang pananalig sa Diyos at sa kakayahang ipinagkaloob. Dahil dito pinasalamatan ni Cardinal Advincula si Diaz sa pagtitiwala sa Panginoon sa bawat laban at paglahok sa anumang kompetisyon.
“Salamat din sa iyong pagpapatotoo sa iyong matibay na pananampalataya sa Diyos at malalim na pag-ibig sa Mahal na Birheng Maria. Salamat sa pagpapaalala sa amin na walang tunay na tagumpay kung hindi ito nagmumula sa Diyos,” ani ng Cardinal.
May kabuuang 224-kilogram ang binuhat ni Diaz para makamit ang gintong medalya mas mataas ng isang puntos kumpara sa 223-kilogram kay Chinese olympian Liao Qiuyun. Nagbunyi ang sambayanang Filipino sa pagkapanalo ni Diaz at hiling ng maraming netizens sa pamahalaan na paigtingin ang suporta sa mga atletang Filipino.