399 total views
Nakiisa at nakikiramay ang Archdiocese of Manila sa pamilya ng mga biktima ng Pentecost Sunday massacre sa Nigeria noong June 5.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ay kinundena nito ang karahasang naganap sa St. Francis Xavier Church kung saan nasa 50 katao ang nasawi kabilang na ang kabataan.
“Kaisa ng buong Archdiocese of Manila, ipinapaabot ko ang ating pakikiramay sa mga pamilya ng mga pumanaw dahil sa kahindik-hindik na pag-atake sa Saint Francis Church sa Owo, Nigeria noong Linggo ng Pentekostes, ika-5 ng Hunyo. Nakikiisa ako sa lungkot at dalamhati na nadarama ng kanilang sambayanan. Ipagkatiwala natin sa awa at pag-ibig ng Diyos ang mga yumao nating kapatid,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Ayon sa ulat, pinagbabaril ng mga suspek ang mga dumalo sa Pentecost Mass sa nasabing simbahan sa Owo, Ondo State Nigeria.
Ikinalungkot ni Cardinal Advincula na sa mismong araw na ginunita ng simbahan ang pagpanaog ng Espiritu Santo kung saan kaakibat nito ang grasya ng kapapayapaan, katarungan at pagkakaisa ay nangyari ang karahasan sa loob ng tahanan ng Panginoon.
“Sa araw na ginugunita natin ang pagsusugo ng Espiritu Santo, ang Espiritu ng kapayapaan, kahinahunan, pagkakaisa, at pag-ibig, nakakalungkot na pinamayani ang kakaibang espiritu, ang espiritu ng karahasan, kalupitan, at poot,” ani Cardinal Advincula.
Sa isang panayam ni Kaduna Archbishop Matthew Man-Oso sa Aid to the Church in Need, sinabi nitong bigo ang pamahalaan ng Nigeria na pamunuan ang bansa dahilan ng pamamayani ng rebeldeng Boko Haram na naghahasik ng iba’t ibang uri ng karahasan sa bansa.
Umaasa naman si Cardinal Advincula na sa tulong ng Espiritu Santo ay mabuksan at mapukaw ang puso ng bawat isa na gumawa ng mga hakbang para sa pagbubuklod ng pamayanan at iwasan ang anumang uri ng karahasan.
“Maunawaan nawa natin na kailangan ang pakikiisa ng bawat isa upang ang lahat ay mamuhay ng ligtas, panatag at payapa. At sa ating mga simpleng paraan, tayo nawa ay maging daan ng pagkakaisa at kapayapaan sa ating pamilya, lipunan, at sa buong mundo,” giit ni Cardinal Advincula.
Unang nagpaabot ng panalangin at pakikiisa ang Kanyang Kabanalan Francisco sa mga biktima ng Pentecost massacre at umaasa sa kahinahunan at katatagan ng loob ng mga naiwang pamilya gayundin ang panawagan ng katarungan sa mga nasawi at nasugatan sa insidente.