410 total views
Nakiisa ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa mga pamilyang labis na naapektuhan ng bagyong Karding.
Batid ng Cardinal na may nasawi bunsod ng malakas na bagyo lalo na ang limang rescuer ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office – Bulacan na nasawi sa flash floods sa San Miguel Bulacan.
Inalala rin ng arsobispo ang mga nawalan ng kabuhayan lalo na ang mga magsasaka na pinakalabis na apektado tuwing may malalakas na bagyo dahil sa malawakang pagbaha na sumisira sa mga pananim.
“Nananalangin tayo para sa lahat ng mga nasalanta, nasaktan, binawian ng buhay at nawalan ng kabuhayan. Nakikiramay tayo sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Dalangin ni Cardinal Advincula na sa tulong ng Panginoon ay magkaroon ng matatag na kalooban at malalim na pananampalataya ang mga biktima ng sakuna upang harapin ang pagsubok na dulot ng bagyo.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) walo ang nasawi sa pananalasa ng bagyong Karding habang tatlo ang nawawala.
Naitala ng Department of Agriculture ang mahigit sa isang bilyong pisong pinsala sa sektor ng agrikultura sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon at Bicol Region kung saan 82, 158 magsasaka at mangingisda ang apektado.
Umaasa si Cardinal Advincula na maging bukas ang puso ng bawat isa na lingapin ang mga nasalanta ng bagyong Karding.
“Marami nawang mabubuting tao ang magmalasakit at tumulong upang sila ay makabangon mula sa kalamidad na ito,” ani Cardinal Advincula.
Apela ng opisyal sa mamamayan ang pangangalaga sa kalikasan upang mapigilan ang climate change na nagdudulot ng pinsala dulot ng iba’t ibang uri ng kalamidad.
“Ang mga kalamidad na ganito ay nagpapaalala sa atin ng ating tungkulin na ingatan at pangalagaan ang kalikasan na binigay sa atin ng Panginoon. Sa ating pag-aalaga sa kalikasan, tayo din naman ang nakikinabang,” giit ni Cardinal Advincula.