14 total views
Inaalala ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang natatanging pagmamahal ng Kanyang Kabanalan Francisco sa mga Pilipino.
Sa mensahe ng arsobispo kasunod ng pagpanaw ng santo papa nitong April 21, pinuri at pinasalamatan nito ang namayapang punong pastol na maituturing na biyayang kaloob ng Diyos sa simbahang katolika lalo na sa mga Pilipino.
Tinuran ni Cardinal Advincula ang pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas noong 2015 upang makiisa sa mga mamamayan lubhang naapektuhan ng Supertyphoon Yolanda kung saan hindi alintana ng santo papa ang masamang panahon at ipinagpatuloy ang pagdiriwang ng banal na misa sa Tacloban kasama ang Yolanda survivors.
“Under the rain in Tacloban, standing with the survivors of Typhoon Yolanda, Pope Francis showed us what it means to suffer with others and find hope in the midst of pain,” ayon kay Cardinal Advincula.
Gayundin ipinamalas ng mga Pilipino ang pagmamahal sa punong pastol kung saan sa misang isinagawa ni Pope Francis sa Luneta noong January 18, 2015, nagtipon ang humigit kumulang pitong milyong mananampalataya na itinuturing ng simbahan na largest papal audience.
“His presence, prayers, and preaching have confirmed us in faith, enlivened our hope, and animated us to charity,” dagdag ng cardinal.
Pinasalamatan din ni Cardinal Advincula si Pope Francis sa pagtitiwala nito sa mga Pilipino kung saan noong 2021 sa pagdiriwang ng 500th Christianity sa Pilipinas ay itinuring nito ang mga Filipino migrants bilang ‘smugglers of faith’ dahil sa pagbabahagi ng mayabong na pananampalataya sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Si Cardinal Advincula ay isa sa tatlong cardinal sa Pilipinas na nilikha ni Pope Francis bago maitalagang arsobispo ng Maynila noong 2021 kabilang na rito sina Cotabato Archbishop Emeritus Cardinal Orlando Quevedo at Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David ang kasalukuyang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Bukod sa tatlong cardinal, sa 12 taong paninilbihan ni Pope Francis, pinagkatiwalaan din nito si Cardinal Luis Antonio Tagle na maging pro prefect ng Dicastery for Evangelization sa Vatican.
Lumikha rin ito ng 13 arsobispo at 45 mga obispo kabilang na ang mga bagong talaga na sina Bishop-elect Herman Abcede sa Diocese of Daet, Bishop-elect Ronald Anthony Timoner sa Diocese of Pagadian at Bishop-elect Glenn Corsiga sa Diocese of Ipil.
Itinalaga rin ni Pope Francis si Archbishop Arnaldo Catalan na kasalukuyang nuncio sa Rwanda at iba pang mga Pilipinong pari na itinalaga sa iba’t ibang tanggapan ng Vatican.
Bukod sa Pilipinas nabisita rin ng namayapang santo papa ang 64 pang mga bansa, lumikha ng mahigit 900 mga banal ng simbahan, 1, 350 beato ng simbahan at apat na ensiklikal.