1,280 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mananampalataya na ituon ang sarili kay Kristo sa lahat ng aspeto ng buhay.
Ito ang mensahe ng cardinal sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari kung saan ang puso at damdamin ng bawat isa ay nakatuon ky Hesukristong nililitis sa harap ni Poncio Pilato at ng taumbayan.
“Nawa’y iluklok nating Hari si Kristo sa lahat ng aspeto ng ating buhay, lipunan, simbahan, tahanan, pamahalaan, pulitika, ekonomiya at kultura,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Tinukoy din ng Arsobispo ang nalalapit na 2022 National and Local Elections na isang natatanging pagsasanay at mahalagang kabanata sa kasaysayan ng bansa.
Iginiit ng Kardinal ang kahalagahan ng tungkulin ng bawat botante sa paghalal ng mga karapat-dapat na pinuno ng bayan.
Hamon ni Cardinal Advincula sa mamamayan na piliin ang katotohanang hatid ng Panginoong Kristong Hari sa pagpili ng mga mamumuno ng lipunan na may pagpapahalaga sa dignidad ng nasasakupan at pagsusulong ng kabutihang panlahat.
“Panalangin ko na mamayani sa ating lipunan ang paggalang sa dignidad ng tao (respect for human dignity), kabutihang pangkalahatan (common good), katarungang panlipunan at pagmamahalan (social justice and societal charity) at natatanging pagkiling sa mga dukha (preferential option for the poor),” giit ni Cardinal Advincula.
Ang panawagan ng punong pastol ng Maynila ay tugma rin sa layunin ng ‘One Godly Vote’ campaign ng Radio Veritas na palawakin ang voter’s education sa 63 milyong botante at tulungang kilalanin ang bawat kumandidatong indibidwal.
Isinusulong ng voter’s education campaign ng himpilan ang pagkilala sa katauhan ng mga personalidad na lumahok sa halalan bilang gabay sa paghalal ng mga taong isusulong ang kabutihan ng mga Filipino.
“Pananawagan ko’y bumuo tayo ng ‘Circles of Discernment’ upang marinig at masunod natin ang Banal na Kalooban ng Diyos; panalangin ko rin ay pumasok tayo sa isang masusing pag-aaral ng mga programa at plataporma ng bawat kandidato, suriin at balikan natin ang ating kasaysayan at matuto sa mga aral nito,” ani ng Cardinal.
Ang Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari ay ipinagdiriwang ng Simbahang Katolika sa huling Linggo ng Karaniwang Panahon bago ang Adbiyento o paghahanda sa kapanganakan ni Hesukristo.