354 total views
Patuloy ang pagbuti ng kalusugan ni Archdiocese of Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula matapos magpositibo sa coronavirus.
Sa mensahe ng cardinal sa Radio Veritas hindi na ito nakaranas ng lagnat sa mga nakalipas na araw habang tuloy-tuloy pa rin ang pagsailalim sa quarantine.
“On the road to recovery na, no fever for last 3 days, oxygen level remains high at 98,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Matatandaang September 17 nang inanunsyo ng arkidiyosesis na nagpositibo ang arsobispo sa COVID-19.
Binabantayan naman ng mga doctor ang kalagayan ng cardinal upang matiyak ang kaligtasang pangkalusugan nito.
Nagpaabot naman ng panalangin ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para sa kagalingan ng cardinal at hinimok ang mga diyosesis na mag-alay ng panalangin sa mga misa.
Nagpasalamat naman si Cardinal Advincula sa lahat ng mga panalangin para sa kanyang kagalingan habang tiniyak din ang patuloy na panalangin para sa kaligtasan ng bawat isa.
“Keep me in your prayers as I keep you in mine,” ani Cardinal Advincula.
Una nang pinasalamatan at kinilala ng cardinal ang mga frontliners ng bayan sa isang misa noong September 15 sa San Felipe Neri Parish partikular na ang mga medical healthcare workers na pinakalantad sa panganib na mahawaan sa laban ng COVID-19 pandemic.