370 total views
Hinimok ni Archdiocese of Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mamamayan na makiisa at maging handa sa patuloy na hakbang sa pagsugpo ng kumakalat na Delta variant ng coronavirus.
Sa panayam ng Radio Veritas, ibinahagi ni Cardinal Advincula na mahalaga ang pagsunod ng mamamayan sa mga alituntunin ng mga health experts lalo’t mapanganib ang Delta variant ng virus.
“Mayroon tayong threat ngayon especially sa Delta variant, kailangan na mag-prepare tayo para hindi mag-spread masyado itong vicious na Delta variant,” bahagi ng pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Kinilala ng Arsobispo ang paghahanda na ginawa ng pamahalaan lalo na ang pagbalanse sa mga alintuntuning ipatutupad upang manatiling gumalaw ang ekonomiya ng bansa at hindi labis maapektuhan ang mamamayan partikular na ang mga daily wage earners.
Dahil dito, muling hinikayat ni Cardinal Advincula ang mamamayan na magpabakuna laban sa virus bilang paunang hakbang at pananggalang na maiwasan ang malalang epekto ng COVID-19.
“Magpabakuna tayo, although sabi ng mga experts na hindi ito assurance na hindi na magka-COVID pero kung mahawaan man it seems na hindi serious or as severe yung ating kondisyon compared sa mga hindi nagpabakuna,” ani ng Cardinal.
Ayon sa tala ng Department of Health, nasa 1.5 milyon ang bilang ng mga nahawaan ng COVID-19 sa bansa kabilang na ang 216 na kaso ng Delta variant.
Dahil sa tumataas na kaso ng delta variant sa Pilipinas, muling isasailalim sa Enhanced Community Quarantine ang National Capital Region mula Agosto 6 hanggang Agosto 20 batay na rin sa rekomendasyon ng mga eksperto upang mabantayan ang paggalaw ng mga tao.
Panawagan ng Cardinal sa mga hindi pa nakatanggap ng bakuna na manatili na lamang sa mga bahay kung walang mahalagang pupuntahan upang maiwasan ang pagkahawa at makatulong sa pagpigil ng pagdami ng kaso.
Hinimok din ni Cardinal Advincula ang mga simbahan na mahigpit sundin ang safety health protocol para sa kaligtasang pangkalusugan ng magsisimba.
“Observe strictly the recommended health and safety protocols tulad ng pag-check ng temperature, pagsusuot ng facemask at face shields, paglalagay ng alcohol, social distancing then disinfection sa mga simbahan after each use,” saad pa ng Cardinal.
Samantala patuloy namang ipinapanalangin ni Cardinal Advincula ang kaligtasan ng bawat isa lalo na ang mga naglilingkod sa pagamutan at kumakalinga sa mga may karamdaman.