335 total views
Umaasa si Manila Archbishop Elect Jose Cardinal Advincula na sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga puno ay unti-unti nitong matulungang mapanatili ang ating nag-iisang tahanan.
Kaugnay ito sa ginanap na tree planting activity noong ika-21 ng Hunyo sa Arkidiyosesis ng Capiz sa pangunguna mismo ni Cardinal Advincula bilang paglulunsad sa Cardinal Jose Advincula Grove of Philippine Native Trees.
Katuwang sa nasabing proyekto ang Pamahalaang Panlalawigan ng Capiz sa pamamagitan ng Capiz Provincial Environment and Natural Resources Office (CaPENRO) at Capiz Archdiocesan Social Action Commission (CASAC).
Isinagawa ang tree-planting activity sa Archbishop’s Residence sa Lawaan, Roxas City, Capiz, kung saan itinanim dito ang nasa 45 native trees na sumisimbolo sa ika-45 taon ng paglilingkod ni Cardinal Advincula.
Pangarap ni Cardinal Advincula, na isa ring makakalikasan at dalubhasa sa iba’t ibang uri ng punong-kahoy na magkaroon ng hardin na nakalaan para sa mga puno.
Layunin ng proyektong ito na maipalaganap ang aral na nakasaad sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco hinggil sa pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.
Pinasalamatan naman ng Cardinal ang CaPENRO dahil naisakatuparan ang nasabing proyekto na makatutulong upang mapanumbalik at mapanatili ang sigla ng inang kalikasan.
Samantala, dumating na sa Maynila si Cardinal Advincula, dalawang araw bago ang pagtatalaga sa kanya bilang ika-33 Arsobispo ng Maynila.
Ngayong Hunyo 24, 2021, gaganapin ang pagtatalaga kay Cardinal Advincula na isasagawa sa Minor Basilica of the Immaculate Concepcion o Manila Cathedral.