200 total views
Nagpaabot ng panalangin si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mamamayan ng Mindanao na apektado ng naganap na lindol.
Aniya, mahalaga ang panalangin para sa katatagan at kaligtasan ng mga biktima ng 6.6 magnitude na lindol na kasalukuyang nakararanas ng trauma partikular ang mga lugar na labis na napinsala.
“Nanawagan kami sa inyong lahat, una, panalangin sa Panginoon sa kaligtasan ng ating mga kapatid na naapektuhan ng lindol,” pahayag ni Cardinal Tagle sa Radio Veritas.
Hiling ng arsobispo sa Diyos na protektahan ang mamamayan ng Mindanao mula sa matitinding pinsala at patuloy na pagyanig bunsod ng mga aftershock.
Umaasa din si Cardinal Tagle na maging bukas ang buong sambayanan sa paglingap sa mga biktima gayundin sa mga gusali at simbahang nasira ng malakas na pagyanig.
“Kapag nanawagan ang mga Dioceses, mga parokya sa lugar na ‘yun, sana ay maging bukas palad tayo sa pagtugon,” ani ng Cardinal.
Batay sa ulat ng PHILVOCS alas 9:04 ng umaga ng yanigin ang ilang lugar sa Mindanao at Visayas kung saan ang sentro nito ay sa Hilagang Silangan ng Tulunan North Cotabato na may lalim na 8 kilometro.
Ayon naman kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, nanatili sa labas ng mga tahanan ang mga residente dahil sa pangamba sa maaring pinsala ng lindol kung saan tinatayang limang Simbahan ang naiulat na nasira.
Nanawagan din ng panalangin ang rector ng Our Lady of Mediatrix of All Grace sa kanilang kaligtasan.
Inihayag din ni Father Jun Balatero, rector ng Kidapawan cathedral na bukas ang simbahan sa mga evacuees.
Suspendido na rin ang pasok ng lahat ng mga eskwelahan at tanggapan sa mga apektadong lugar para na rin sa kaligtasan ng lahat.
PANALANGIN
Mapagmahal na Ama, ikaw ang may likha ng lahat nasa iyong kamay ang aming pag-iral nasa iyong kamay ang pag-inog ng mundo
Hinihiling po namin na ang mga kamay mo rin ang magprotekta sa mga kapatid namin na sa oras na ito ay kinakabahan at naapektuhan ng lindol
Magpadala ka rin po mga tao, kapwa tao na may magandang kalooban na handang tumulong, dumamay at manalangin para sa kanila
O Mahal na Ina, ikaw na laging takbuhan ng mga nangangailangan ang iyong pusong maka- Ina, nawa ay kanilang maramdaman lalo na sa oras na ito
Itong panalamgin na ito mapagmahal na Ama ay aming ipinaabot sayo sa ngalan ni Hesus na aming kapatid at Panginoon sa bisa ng Espiritu Santo iisang Diyos magpasawalang hanggan.
Panuorin ang kabuuan ng dasal ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle