150 total views
Nagbabala ang isang lider ng Simbahang Katolika sa Mindanao kaugnay sa kumakalat na sulat na humihingi ng donasyon.
Ayon kay Cotabato Archbishop Emeritus Orlando Cardinal Quevedo, ginamit ang kaniyang pangalan sa panghihingi ng mga donasyon sa mga mananampalataya.
“To all the people listening to Radio Veritas Manila, I would like to warn you of a scam that has been victimizing some people that consists of using a letter which is supposed to have been signed by me as Cardinal and asking for various donations,” pahayag ni Kardinal Quevedo sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ng Kardinal, hindi ito ang unang beses na ginamit ang kaniyang pangalan sa panloloko sapagkat sa mga naunang insidente noon ginamit na ito sa paghingi ng donasyon para sa pagpapagawa ng tabernakulo sa retirement home ng mga pari ng Arkidiyosesis ng Cotabato at para sa scholarship ng mga seminarista ng Marbel seminary.
Paalala ni Kardinal Quevedo sa mananampalataya na huwag basta-bastang naniniwala sa mga humihingi ng donasyon lalo na sa social media para makaiwas sa panloloko.
Batay sa tala ng Philippine National Police noong 2015 umabot sa 1, 211 ang mga kaso ng online scam ang iniimbestigahan.
Mas dumarami ang naitatalang panloloko online lalu’t sa Pilipinas ay naitala ng Digital 2018 report ng Hootsuite na mahigit sa 60 milyong Filipino ang aktibo sa internet partikular sa social media at naglalaan pa ito ng halos sampung oras sa isang araw para dito.
Dahil dito, pinaalalahanan ni Cardinal Quevedo ang bawat isa na tiyaking makatotohanan ang mga natatanggap na sulat o mga nababasa online lalo na kung may kinalaman sa pera.
“To be very sure about any appeal for help in my name be sure to contact us first, the office of the Archbishop and ask for any of the priest to verify whether it is true or not.” Panawagan ng Kardinal sa Radio Veritas
Nagbabala na rin ang Kardinal sa iba pang mga Obispo sa Pilipinas upang maging alerto sa masamang gawain gamit ang pangalan ng mga lider ng Simbahan.