383 total views
Nagpaabot ng pagbati at panalangin si Cotabato Archbishop Emeritus Orlando Cardinal Quevedo sa bagong talagang Cardinal ng Pilipinas na si Capiz Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Ayon kay Cardinal Quevedo, mula sa pagiging isang batang Pari sa Roxas city Capiz ay marami ng pinagdaanan at naranasan si Cardinal Advincula na makatutulong sa kanyang bagong tungkulin bilang isang Cardinal at katuwang ng Santo Papa sa pamamahala sa Simbahan sa bansa.
Isang karangalan para kay Cardinal Quevedo na kanyang personal na natunghayan ang paglalakbay ni Cardinal Advincula mula sa pagtuturo sa Vigan School of Theology kung saan marami ang humahanga sa kanyang pagiging isang mahusay na guro at mabuting pastol.
Ibinahagi rin ni Cardinal Quevedo ang pagpupursige ni Cardinal Advincula na mapalawak ang kanyang kaalaman at pakikipag-ugnayan sa iba pang mga Obispo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pamamagitan ng pag-aaral ng iba’t-ibang lenggwahe ng bansa.
“Congratulations and prayers to Archbishop Joe Advincula as he becomes Jose Cardinal Advincula, Cardinal Priest. I remember him as a young priest from Roxas City, assigned to teach Theology in the Vigan School of Theology for a few years. He was admired as a teacher and friend of the seminarians. He would attend their ordinations even when he had returned to Roxas City. He learned to speak Ilocano and would mingle with the Ilocano bishops at the CBCP.” pahayag ni Cardinal Quevedo sa panayam sa Radio Veritas.
Tiwala rin si Cardinal Quevedo na epektibong magagampanan ni Cardinal Advincula ang kanyang tungkulin ng masigasig, may kababang loob at may dalang bagong pag-asa bilang bagong katuwang na pastol ng Kanyang Kabanalan Francisco para sa mga Filipino.
“Created as a Cardinal “at the margins” Cardinal Joe will surely continue to be a zealous, humble, simple, and loving Shepherd of his people. Prayers, friend, best wishes, God bless you, Cardinal Joe!” Dagdag pa ni Cardinal Quevedo.
Si Cardinal Advincula na mahigit 8-taon ng nagsisilbi bilang Arsobispo ng Capiz ay isa sa labing tatlong iba pa na itinalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco na mga bagong Cardinal ng Simbahang Katolika noong Oktubre.
Gayunman, hindi nakadalo ng personal si Cardinal Advincula na isinagawang consistory sa Vatican noong ika-29 ng Nobyembre dahil sa mahigpit na ipinapatupad na safety protocols sa paglalakbay mula sa Pilipinas patungong Rome,Italy.
Bukod sa pagiging katuwang ng Santo Papa sa pangangasiwa ng Simbahan sa iba’t ibang bansa, ang mga Cardinal din ay nagsisilbi bilang mga opisyal ng Vatican, nagsusuot ng natatanging damit na pula at tinutukoy bilang ‘Kanyang Kabunyian’ o ‘His Eminence’ na nangangahulugang Prinsipe ng Simbahan.