390 total views
Nagpahayag ng suporta at kagalakan si Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales para sa bagong Arsobispo ng Maynila na si Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Ayon kay Cardinal Rosales buo ang kanyang tiwala kay Cardinal Advincula na magagampanan nito ang tungkulin bilang bagong pastol ng Arkidiyosesis ng Maynila sampung taon matapos na siya ay magretiro.
Naniniwala si Cardinal Rosales na mapagtatagumpayan ng bagong Cardinal mula sa Akidiyosesis ng Capiz ang bago nitong tungkulin sa tulong at suporta na din ng mga kaparian at mga layko sa Maynila.
“Salamat sa Diyos at nagkaroon ulit tayo ng namumuno sa Simbahang lokal sa Maynila, malaking bagay po yan sapagkat sa nakapahabang panahon ng kasaysayang lokal sa Maynila siya ay pang-33 at ako naman ay nakakasiguro sa kooperasyon ng mga Pari at ng mga Madre at mga Layko ay talagang bigay na total para kay Cardinal Joe Advincula.” Pahayag ni Cardinal Rosales sa panayam ng programang Caritas in Action.
Aminado si Cardinal Rosales na maaring hindi na kakailanganin ni Cardinal Advincula ang kanyang payo ngunit bukas siya sa pagbabahagi ng ano mang tulong o paggabay para sa bagong Kardinal.
“siguro mas marunong siya sa akin kumbaga sinabi ko lang sa kanya kung kakailanganin at may itatanong siya sa akin ay ibibigay ko sa kanya, at the moment naman eh wala pa.” ani Cardinal Rosales ng tanungin kaugnay sa kanyang mensahe para kay Cardinal Advincula kasabay ng pagdalo niya sa instilasyon nito noong ika-24 ng Hunyo.
Samantala, hinikayat naman ni Cardinal Rosales ang mga mananampalataya na suportahan ang mga programa ng Simbahan na naglalayong makatulong sa mga mahihirap.
Paniwala ng dating Arsobispo ng Maynila, napakalaki ng potensyal ng mga programa ng Simbahan at kinakailangan lamang ng ibayong suporta ng mamamayan upang mas marami pang maabot na mga mahihirap.
“Malaki pa ang future nito pagtulung-tulungan natin.”giit ni Cardinal Rosales na kilala din sa tawag na Lolo Dency.
Magugunitang si Cardinal Rosales ay nanungkulan bilang ika-33 Arsobispo ng Maynila mula taong 2003 hanggang magretiro ito noong taong 2005.