24,398 total views
Ginawaran ng pinakamataas na pagkilala ng French Government si Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle-prefect ng Dicastery for Evangelization.
Iginawad kay Cardinal Tagle ang Order of Legion of Honour sa pamamagitan ni French Ambassador to the Vatican Florence Mangin sa ngalan ni French President Emmanual Macron.
Ayon kay Fr. Greg Gaston, rector ng Pontificio Collegio Filippino at Radio Veritas Vatican Correspondent, ang pagkilala ay inialay din ni Cardinal Tagle sa lahat ng mga Filipino.
“Isang medal ito na ibinigay kay Cardinal Tagle in recognition for his role, lalo na dito sa Vatican kasi siya nga ang in-charge ng Office ng Mission ng ating simbahan ng ating Roman Curia, ibig sabihin mga concerns about mission sa kaniya inihahabilin ni Pope Francis. Siya ang in-charge ng malaking part ng Africa, Asia, Carribean at Pacific islands.” ayon kay Fr. Gaston sa programang Veritas Pilipinas.
Ang Legion of Honour, ay ang pinakamataas na pagkilala ng France na iginagawad sa mga natatanging indibidwal bilang pagkilala sa kanilang mga gawain para sa kabutihan ng buong mundo at ng Pransya.
Kinilala ng Pransya ang mga gawain ni Cardinal Tagle sa simbahan nang manilbihang arsobispo ng Maynila na paglingap sa mga mahihirap at naisasantabing sektor ng lipunan gayundin sa mga biktima ng karahasan at nalulong sa ipinagbabawal na gamot.
Pinasalamatan din ng French government ang cardinal sa suportang ibinigay sa French Association na Anak-TNK o Tulay ng Kabataan sa Manila sa ilalim ng pangangasiwa ni Fr. Matthieu Dauchez.
“Mr. Cardinal, it is an honour for me to present you with this decoration, by which France wishes to honour your remarkable career as a man of the Church at the service of the common good.” bahagi ng pahayag ni Mangin.
Sinabi pa ni Fr. Gaston na ipinapaabot ni Cardinal Tagle ang pasasalamat sa Pransya gayundin sa lahat ng mga mananampalatayang Filipino sa nakamit na pagkilala bilang bahagi ng misyon ng simbahan.
Kabilang sa dumalo sa pagdiriwang ang kapatid ni Cardinal Tagle na si Manuel Tagle, Philippine Ambassador to the Vatican Maila Macahilig, Philippine Ambassador to Italy Nathaniel Imperial at mga kinatawan ng Filipino Religious Congregations kabilang ang La Salle, Dominican at Adorno Fathers.